Sa harap ng opisyales at kasapian ng Philippine Dental Association (PDA), pinuri ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang mga health care professional na may ginagampanang mahalagang papel para sa kaunlaran ng ating bansa.
“The health of the dental association is likewise the confidence, the health of professionals in our country, in our economy, and in our collective future,” sabi ni Roxas sa may 5,000 lumahok sa pagbubukas ng 106th annual convention ng PDA na ginanap kamakalawa sa SMX Convention Center, Pasay City.
Sa napakalawak na oportunidad pang-ekonomya para sa mga Pilipino ngayon, idiniin ni Roxas na ang malusog na populasyon ay nangangahulugan ng mas produktibong puwersa ng paggawa at mas malusog na ekonomiya.
Nagpasalamat din ang kalihim sa PDA at sa dedikasyon at pananagutan para maturuan ang mga Pilipino ng oral health practices at sa pakikisangkot sa mga outreach program para mapaunlad ang dental health sa bansa.
“This is a thankless job, and I can relate dahil sa gobyerno, ganoon din ang pakiramdam namin. When things go well, walang nakaaalala. When things go bad, napupuna. Bahagi ‘yun ng ating pagseserbisyo, kaya tinatanggap natin,” ani Roxas.
Inihayag din ni Roxas na sa pag-unlad kapwa ng ekonomiya at serbisyong pangkalusugan ng bansa ay aangat ang Pilipinas kasabay ng mga kapitbahay natin sa Asya tulad ng Singapore at South Korea. Sa ilalim ng Daang Matuwid ni Pangulong Aquino, ang health insurance tulad ng PhilHealth ay inilaan sa mga Pilipino bilang paraan para magkaroon sila ng kakayahan at mapalaki ang kanilang potensiyal sa napiling propesyon.
“The destiny of our nation is up to the people of our nation. What happens to our community, to our country depends on all of us. It is in your hands kung ano ang mangyayari sa ating bansa,” dagdag ni Roxas.