UMABOT sa 69 katao ang namatay sa apat na magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Valenzeula City, Maynila at lalawigan ng Isabela.
Sa Valenzuela City, inihayag ng Bureau of Fire Protection (BFP), 31 na ang kompirmadong namatay sa sunog sa isang pabrika ng tsinelas sa Brgy. Ugong, habang 32 ang hindi pa natatagpuan.
Nauna rito, iniulat ng mga opisyal ng BFP na tatlo ang namatay sa suffocation, isa sa kanila ay kaanak ng factory owner. Bago ang inilabas na latest body count, sinabi ng local officials na 63 factory workers ang ‘unaccounted for’ at 39 ang nakaligtas.
Pasado 4 p.m. nang ideklarang under control ang sunog, nagpahayag nang malungkot na balita si Mayor Rex Gatchalian sa pamilya ng 63 workers, na sumugod sa pabrika sa Brgy. Ugong.
“Kung may chance na nakalabas sila at pumunta sa bahay ng mga kamag-anak ‘nyo, tawagan ‘nyo, baka may chance na pumunta sila ibang lugar. Please do it now. Kausap ko ang BFP (Bureau of Fire Protection). Lahat ng nasa loob ng building, walang nabuhay,” pahayag ni Gatchalian, bunsod nito nag-iyakan ang kanilang mga kaanak.
Ayon sa ulat ni Bureau of Fire Protection (BFP-NCR) Asst. Director Supt. Crispulo Diaz, dakong 11:23 a.m. nang magsimulang masunog ang Kentex Manufacturing Corp., sa #6159 Tatalon St., Brgy. Ugong ng nasabing lungsod, pagmamay-ari ni Veato Ang.
Batay sa inisyal na ulat, nagmula ang apoy sa unang palapag ng establisimyento nang tumalsik ang baga na nagmula sa isang nagwe-welding papunta sa nakaimbak na kemikal (PVC resins) sa paggawa ng goma hanggang lamunin ng apoy ang buong pabrika.
Nagawang makatakbo palabas ng mga empleyado na nasa unang palapag bago tuluyang kumalat ang apoy.
Samantala, sa isa pang insidente ng sunog sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi, natupok ang tatlong miyembro ng isang pamilya nang masunog ang kanilang inuupahang apartment dahil sa sumingaw na LPG tank.
Kinilala ang mga biktimang sina Rolando Paloma, 47; misis na si Josephine, 46, at anak nilang si Apple, 17, pawang mga residente ng Sapang Bakal St., Brgy. Lawang Bato ng nasabing lungsod, natagpuang tupok ang mga katawan.
Pinalad na nakaligtas sa insidente ang tatlo pang anak ng mag-asawang Paloma na sina Jasher, Jerson, at Aldon, kasalukuyang nasa labas ng bahay nang mangyari ang insidente.
Base sa nakalap na impormasyon sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Valenzuela City, naganap ang insidente dakong 7:15 p.m. nang biglang sumabog ang tangke ng LPG sa loob ng apartment ng pamilya.
Nabatid na nagluluto si Josephine gamit ang uling ngunit dahil sa pagkainip ay naisipang ilipat sa gas stove na ayaw gumana kaya inayos ng ginang.
Nang sindihan niya ang kalan ay bigla itong nagliyab hanggang tuluyang sumabog ang tangke at mabilis na kumalat ang apoy.
Salaysay ng magkakapatid sa mga imbestigador, matagal nang sira ang kanilang LPG ngunit hindi ito pinapalitan o inaayos ng kanilang mga magulang hanggang maganap ang insidente.
Bukod sa apartment ng pamilya Paloma, nadamay rin sa sunog ang tatlo pang unit ng apartment.
Habang sa Maynila, patay ang isang 75-anyos lolo habang tatlo ang sugatan makaraan sumikLab ang sunog sa Landcom Village sa Sta. Mesa kahapon.
Kinilala ang biktimang namatay na si Jose Cenon, natagpuang walang buhay at halos hindi na makilala sa loob ng banyo.
Partikular na natupok ang bahay na pag-aari ng pamilya Cenon sa kanto ng Linggo at Lunes streets.
Ayon kay SFO4 John Joseph Jalique, patuloy nilang inaalam ang sanhi ng pagsiklab ng apoy na nagsimula sa unang palapag ng apartment.
Isinugod sa UERM Hospital ang tatlong miyembro ng pamilya Cenon na nasugatan sa insidente.
Kinilala ang mga sugatan na sina Stephanie Cenon, 10; Raynesa Cenon, 32; at Bernardo Cenon, 47-anyos.
Nagsimula ang sunog dakong 5:28 a.m. at umabot sa ikaapat na alarma bago idineklarang fire out dakong 6 a.m.
Sa Cauayan City, Isabela, patay ang mag-inang senior citizen sa pagkasunog ng kanilang ancestral house sa Brgy. San Pedro, Tumauini, Isabela kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SFO1 Loreto Francisco, officer-in-charge ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Tumauini, Isabela, ang sunog ay nagsimula dakong 1:22 a.m. sa ancestral house ng pamilya Placido at naapula makaraan ang ilang oras.
Kinilala ang mga biktimang sina Remedios Tuliao, 90; at Maria Tuliao, 62, kapwa residente ng San Pedro, Tumauini, Isabela.
Makaraan maapula ng mga bombero ang apoy ay natagpuan ang sunog na bangkay ng mag-ina sa kusina ng bahay na pinaniniwalaang na-trap sa gitna ng sunog.
Mabilis na natupok ang bahay dahil ito ay luma na at gawa lamang sa light materials.
Patuloy na iniimbestigahan ng BFP Tumauini ang sanhi ng sunog at ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
nina Rommel Sales/Leonard Basilio