MALAKI ang posibilidad na muling mapapanood ang mga laro ng men’s basketball ng National Collegiate Athletic Association of the Philippines (NCAA) sa ABS-CBN Sports.
Isang source ang nagsabing nag-uusap ngayon ang mga opisyal ng NCAA at ang ABS-CBN para sa bagong kontrata para sa TV coverage ng Season 91 na magsisimula sa Hunyo.
Dating napanood sa Studio 23 ang NCAA mula 2001 hanggang 2011 at pagkatapos ay lumipat ang liga sa Sports5 dahil mas gusto ng NCAA na mapanood sa primetime na hindi kayang gawin ng ABS-CBN noon.
Napaso na ang tatlong taong kontrata ng Sports5 sa NCAA kung saan halos lahat ng mga laro ay naipalabas sa Aksyon TV 41 na hindi malinaw ang signal, bukod sa kulang sa promosyon ng liga dahil mas nakatutok ang Sports5 sa PBA.
Nalaman din na wala nang interes ang Sports5 na muling magpapirma ng kontrata sa NCAA.
Ang Mapua Institute of Technology ay magiging susunod na punong abala ng NCAA kapalit ng Jose Rizal University.
Kapipirma lang ng bagong kontrata ang ABS-CBN Sports sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) para sa susunod na limang taon.
Samantala, magsisimula ngayon ang pagpapalabas ng mga laro ng NBA playoffs sa ABS-CBN Sports+Action Channel 23.
Mapapanood ang Game 1 ng NBA Eastern Conference playoffs na paglalabanan ng Chicago Bulls at Milwaukee Bucks nang live simula alas-siyete ng umaga.
May replay ang laro sa alas-siyete ng gabi sa nasabi ring channel.
(James Ty III)