Aktibong pambansang alagad ng sining ilulunsad ang ika-20 Aklat ng Tula
hataw tabloid
April 20, 2015
News
ILULUNSAD ni pambansang alagad ng sining Virgilio S. Almario, kilala rin sa sagisag-panulat niyang Rio Alma, ang kaniyang ika-20 aklat ng mga tula, ang May mga Damdaming Higit Kaysa Atin sa 21 Abril 2015.
Limbag ng University of Santo Tomas Publishing House, mangyayari ang paglulunsad sa UST Civil Law Auditorium mula 3:00 hanggang 5:00 nh sa tulong ng UST Center for Creative Writing and Literary Studies (CCWLS).
Ang mga paglulunsad ng mga bagong aklat ni Almario, na kung bibilangin ay higit 80 na, kasama ang kaniyang mga aklat ng kritisismo at kasaysayang pampanitikan, ay maituturing na isa nang aabangang pangyayari.
“Magkakaroon ng pagkakaiba ang paglulunsad ngayong taon,” sabi ni Almario, sa pagbibigay ng panayam sa klasikong usapin ng “Tradisyon at Modernidad,” na pinapaksa ng kaniyang bagong koleksiyon.
“Bilang bahagi ng mga pagdiriwang, ang unang isang daang kalahok ng panayam at bibili ng libro ay bibigyan ng 50% na diskuwento sa presyo ng aklat.” dagdag ni Almario.
Kadalasang isinasabay ang mga paglulunsad ng aklat ni Almario sa kaniyang kaarawan sa Mayo 9, ngunit inilipat ang paglulunsad ngayon para maging bahagi ng kauna-unahang pagdiriwang para sa Buwan ng Panitikang Pambansa.
Ayon sa Presidential Proclamation No. 968, na nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III noon 10 Pebrero 2015, bawat Abril ay Buwan ng Wikang Pambansa.
Itinatanghal ng Higit ang mga halimbawa ng tinatawag na tradisyonal at “saradong” anyo ng tula. May tugma at sukat ang mga tula at kasama rito ang mga katutubong anyo na tanaga, dalit, diyona, at talingdaw, at ang mga Kanluraning anyo gaya ng mga soneto, villanelle, sestina, at marami pang iba.
Binubuo ng pagtuturo ng mga tradisyonal na anyo ng tula ang pagtuturo at pagsasanay ni Almario sa mga makata ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) na sumasailam sa anim na buwang klinikang pampanulaan.
Sa panayam, magbibigay si Dr. Michael M. Coroza, premyadong makata at associate professor sa Ateneo de Manila University, ng talakay hinggil sa tradisyonal na mga anyo na ginamit sa mga tula ni Rio Alma.
Si Marne Kilates, isa ring premyadong makata at tagasalin ng mga tula ni Almario tu-ngong Ingles, ay magsasalita hinggil sa modernong sensibi-lidad at paksa ng mga tula sa harap ng paglalangkap ng mga tradisyonal na anyo.