ISA si Calvin Abueva ng Alaska sa mga manlalaro ng PBA na inaasahang isasama ni coach Tab Baldwin sa bagong national pool ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Championships ngayong Setyembre.
Kinompirma ng isang mapagkakatiwalaang source na isinama ni Baldwin si Abueva sa listahan ng 26 na manlalaro na inaasahang isusumite ng coach sa PBA kapag nakipag-usap siya sa mga PBA team owners, kasama ang team owner ng Aces na si Wilfred Steven Uytengsu.
Ayaw munang sabihin ni Baldwin kung sino ang mga manlalarong kasama sa listahan na hawak na ng PBA.
Dapat ay kasama si Abueva sa Gilas na naglaro sa FIBA Asia at FIBA World Cup ngunit hindi siya nakapag-ensayo kay dating coach Chot Reyes dahil napilay ang kanyang tuhod at kinailangan niyang magpagamot pa sa Tsina.
“Masaya ako kung masasali ako. Masaya ako na mag national team. Lahat naman ng tao ‘yan ang pangarap, di ba?” wika ni Abueva. “Kung masasama ako dun sa top 26 na invitees, siyempre mag-eensayo at magta–tryout ako ng todo. Ibubuhos ko talaga lahat para masama ako.” (James Ty III)