May karapatan ba tayong magmahal?” pagkakagat-labi ni Carmela.
Umagang-umaga nang lumanding sa isla ang helikopter ni Mr. Mizuno. Tulad nang dati, dire-diretso ito sa opisina ng pabrika. Ipinatawag niya kay Mang Pilo ang dalagang trabahadora.
“Bago mo akyatin si Boss, magtimpla ka muna ng mainit na kape para sa kanya,” sabi kay Carmela ng kanilang bisor.
Ilang saglit pa, pahigop-higop na si Mr. Mizuno sa kapeng isinilbi ng dalaga. Mabilis na napangalahati sa coffee mug ang ma-init na inumin. Pagkaraa’y kinawayan si Mang Pilo. Pa-Ingles-Ingles kalabaw ito nakipag-usap kay Mang Pilo.
Nilapitan si Carmela ng kanilang bisor. Idiniga nito sa dalaga ang ipinasasabi ni Mr. Mizuno.
“Sabi ni Boss, bigyan daw kita ng apat na kahon ng sardinas. Iuwi mo raw sa inyo…” anito sa dalaga.
“Naku, salamat po…” sambit ni Carmela sa kagalakan. “Pero paano ko pong madadala ‘yun sa bahay namin, e…”
“Walang problema, iha… isasakay ‘yun sa helikopter ni Boss. At du’n ka niya ibaba ng helikopter sa mismong lugar n’yo,” ngiti kay Carmela ng kanilang bisor.
Tulad nang nasabi kay Carmela ni Mang Pilo, apat na kahon ng sardinas na limampung lata ang laman ang inilulan sa paalis na helikopter.
“Pinasasakay ka na ni Mr. Mizuno…” tango nito sa dalaga.
“Nakakahiya po ‘ata…” ani Carmela na anyong nakikimi.
“’Wag ka nang mahiya, iha… Pagkakataon mo na rin ‘yan para magkita kayo ng pa-milya mo,” pagtutulakan sa dalaga ni Mang Pilo. Buong ingat at may kahinhinang sumakay ng helikoper ang dalaga.
At karaka nang pumailalanlang sa kalawakan ang sasakyang panghimpapawid.
May lungkot na nadama si Digoy sa pag-alis ni Carmela. Magdamag na nagbigay ng kabalisahanan sa kanya ang kakaibang kutob. At dakong mag-uumaga, nanaginip siya sa pagkakaidlip. Ganito ang nakita niyang pangitain sa paglalakbay ng kanyang diwa:
(Itutuloy)
ni Rey Atalia