Mabigat ang loob niya kay Gardo. Pero mainit naman ang dugo nito sa kanya na pwedeng maging mabilis ang pagkulo. Nakakatalo niya ito kahit sa maliliit na usapin lamang. Na para bang naghihintay lang talaga ng pagkakataong magkasagupa silang dalawa. At nangyari iyon isang araw. Nakasuntukan niya ito sa loob mismo ng pabrika.
Nagkaputok-putok at nagkapasa-pasa ang mukha ni Digoy sa mga inagwantang suktok kay Gardo. Pero hindi man lang niya namantsahan ang tila balat-kalabaw na pisngi nito. Mas malakas at matibay ito suntukan. Bugbog-sarado na siya nang dumating si Mang Pilo na umawat sa kanilang dalawa.
“Kung nagkadisgrasyahan kayo, sa pagkalayo-layong ospital pa kayo itatakbo,” ang pagalit na pagsesermon ng bisor kay Gardo, pero mas pa kay Digoy.
May klinika sa loob ng pabrika. Walang doktor o nurse, pero mayroon itong mga gamot at gamit para sa mga maliliit na kaso na dapat agad mabigyan ng atensiyon. Dito sinamahan si Digoy ni Carmela. Nilinis nito ang sugat niya sa pisngi na likha ng matinding bayo ng kamao ni Gardo.
“Aray, arayyy!” daing niya sa dalagang nagpahid sa kanyang ng bulak na may alkohol.
“Para ito lang, kung maka-aray ka na,” panlalabi ni Carmela.
“Lalong sumakit, e… Hayyy!” daing uli niya.
“Tapos na, a… Masakit pa?” ususa ng dalaga.
“Oo…” aniyang dumampot sa kamay ni Carmela.
“Alin?” anitong napamaang.
“Ito, o…” sabi ni Digoy, inilapat ang palad ng dalaga sa kanyang dibdib, sa tapat ng puso. “Masakit na masakit na ‘yan sa malabis na paghihirap.”
Namula ang mga pisngi ni Carmela.
“Kung tayong dalawa ang magkakatuluyan, jahirapan lang ang maipamamana natin sa ating magiging mga anak…” sa garalgal na tinig ng dalaga.
“Pero mahal mo ba ako?” naitanong ni Digoy. (Itutuloy)
ni Rey Atalia