NUJP sa MPD Chief: Magpaliwanag Ka! (Sa pag-aresto kay Ex-NPC president Jerry Yap)
hataw tabloid
April 10, 2015
News
“HINIHINGI namin ang agarang paliwanag ni MPD Chief Supt. Rolando Nana sa ginawang aksiyon ng kanyang mga tauhan kaugnay sa kuwestiyonableng pag-aresto kay dating National Press Club president Jerry Yap!”
Ito ang mariing hamon na ginawa ni Rowena Paraan, chairperson ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), matapos labagin ng mga kagawad ng Manila Police District (MPD) ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at grupo ng media.
Isinasaad sa MOA na nilagdaan ng PNP sa National Press Club , National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), at Philippine Press Institute (PPI) na walang pag-arestong gagawin sa hanay ng media na nahaharap sa kasong libel kung ito ay weekend.
Si Yap ay sapilitang inaresto sa harap ng kanyang mga anak nitong Abril 5, Linggo, sa kasong libelo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Kasabay nito, hiniling din ni Paraan sa pamunuan ng PNP na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa paglabag ng MPD sa MOA, at parusahan ang mga pulis na mapapatunayang kasapakat sa ginawang maling pag-aresto kay Yap.
Kaugnay nito, nabatid ng kampo ni Yap na hindi dumaan sa wastong proseso ang koordinasyon sa tanggapan ni PNP – Aviation Security Group chief, Chief Supt. Pablo Francisco “Boyet” Balagtas sa ginawang pag-aresto ng grupo ng MPD Warrant & Subpoena Section na pinamumunuan ni Senior Insp. Salvador Tangdol.
Naghahanda na rin ang grupo ni Yap para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga lumabag sa MOA.
Samantala, hanggang ngayon, walang pormal na pahayag ang pamunuan ng NPC kaugnay sa hayagang paglabag na ginawa ng MPD sa nasabing MOA partikular na ang pag-aresto kay Yap na ginawa mismo sa araw ng Linggo dahil sa kasong libelo.