KAHIT paano’y wala sigurong nag-akalang mawawais ng Rain Or Shine ang Meralco sa best-of-five semifinal round ng PBA Commissioner’s Cup.
Ito ay base sa pangyayaring sa kanilang unang pagtatagpo noong Pebrero 10 ay tinalo ng Bolts ang Elasto Painters, 92-87.
Pero nagawa nga ng mga bata ni coach Joseller “Yeng” Guiao ang hindi inaasahan at nakumpleto ang 3-0 panalo kontra Bolts noong Martes upang makauna na sa best-of-seven Finals kung saan makakalaban ang magwawagi sa serye sa pagitan ng Purefoods Star at Talk N Text.
Biruin mong kung tatagal ang seryeng iyon ng Hotshots at Tropang Texters ay mabubugbog kahit paano ang magwawagi. At kapag nagharap na sila ng Rain or Shine, natural na may bentahe na ang Elasto Painters.
Napanalunan ng Rain or Shine ang Game One, 99-86 noong Marso 30 o bago nag-break ang liga para sa semana Santa.
Sinasabing pagod ang Meralco dahil dalawang araw bago ang Game One ay dumaan sila sa overtime bago tinalo ang NLEX sa Game Two ng kanilang quarterfinals series na winalis din nila, 2-0.
Pero nagkaroon naman sila ng limang araw na pahinga para paghandaan ang Game Two noong Abril 5. Ang kaso mo’y ganon din ang nangyari dahil sa nakaulit ang Elasto Painters sa Bolts, 92-82.
At sa Game Three ay parang na-set-up nga ang Meralco sa sweep. Kasi, hindi nakapaglaro ang kanilang import na si Josh Davis na nagtamo ng dislocated na kaliwang balikat sa practice. Hindi rin naglaro ang injured na si Jared Dilinger.
Nagkaganoon man ay nakapagbigay ng magandang laban ang Bolts sa first half kung saan lumamang sila, 52-49 matapos ang unang 24 minuto.
Pero hanggang doon na lang sila. Kasi nakontrol na ng Rain Or Shine ang secod half upang tuluyang makumpleto ang sweep!
Ngayo’y mapaghahandaan ng Elasto Painters nang husto ang pagtarget sa ikalawang kampeonato sa kanilang pranghkisa.
ni Sabrina Pascua