NAGPAKASAL SINA RANDO AT LEILA AT UMASANG TAHIMIK NA MAMUMUHAY
Nakisalo sa kanila ang mga magulang at kapatid ng napangasawa niya sa isang maliit na restoran. Sa panig niya, ang ta-nging naroroon ay sina Mang Berto at Aling Inday. Hindi sila magkadugo ng mag-asawang umampon at nagpalaki sa kanya. Pero itinuring niya ang mga ito bilang tunay na ama at ina.
“Magmahalan kayo habambuhay, ha?” ang maluha-luhang pangaral ni Aling Inday kina Rando at Leila.
“Sige, humayo kayo,” ngiti ni Mang Berto na pumisil sa punong-balikat ng anak-anakan. “Bigyan n’yo agad kami ng apo, hane?”
Bilang pamamaalam, nagmano si Rando kina Mang Berto at Aling Inday. Humalik din si Leila sa kamay ng mag-asawa.
“Tatay, Nanay, tutuloy na po kami…” ani Rando sa mahigpit na pangyayakap sa mga taong nag-aruga at nagpalaki sa kanya.
Sa mga kuwento-kuwentohan sa kanilang komunidad, sinasabing ikinamatay ng nanay ni Rando ang pagsisilang nito sa kanya. Ang tatay daw naman niya, isang da-ting mahusay na boksingero ay nagkasakit at namatay sa araw-araw na paglalasing. Dinamdam umano nito ang malabis na pa-ngungulila sa kanyang ina.
Katatapos lang maipagawa ni Rando ang maliit na bahay sa bayan na pinakamalapit sa plantasyon ng tubo ni Don Brigildo. Iyon ang naging pugad ng kanilang pagmamahalan ni Leila. Walang nakakakilala sa tunay niyang pagkatao roon. Sa mata ng mga taga-roon ay isa lamang siyang ordinaryong trabahador, aalis sa bahay nang umagang-umaga at sa gabi na ang uwi.
Mag-iisang buwan pa lamang siya sa plantasyon ng tubo nang ipatawag ni Don Brigildo ang lahat ng mga trabahador doon. Tulad nang dati, gusto niyang may makasama at makasabayan ng hiyawan sa panonood ng espesyal na palarong boksing. At tulad din nang nakagawian, higit na nasisiyahan kung dumarayo roon ang malalaking personalidad sa larangan ng negos-yo at politika. (Itutuloy)
ni Rey Atalia