ANG mga tagahanga ni Manny Pacquiao at Floyd Mayweather ay may kanya-kanyang espekulasyon sa mangyayaring laban sa May 2 sa MGM Grand. Siyempre pa, pabor sa kanilang idolo ang kanilang sinasabi.
Maging ang kani-kanilang coaches ay may inilalabas na ring mga psywar sa lahat ng social media.
Ikanga, panggiba sa kalaban.
Nito lang Linggo ay naglabas ng pahayag si Zab Judah, ang isa sa sparringmaste ni Floyd, at iniaangat niya siyempre ang kalidad ng kanyang amo.
Ayon kay Zab, “He’s not the same guy . . . he’s ten times better.”
Kung natatandaan ninyo, si Judah na isang kaliwete ay minsang nakaharap ni Floyd sa ring at tinalo lang siya ng huli via decision.
Well, tanggap natin ang sinabing iyon ni Judah. Unang-una kasi ay bayad siya bilang sparmate ni Floyd. At pangalawa, 2006 pa nang mangyari ang laban nila. At pagkatapos nun ay wala na siyang malalaking laban pa.
Mukhang ang tamang sabihin ni Judah ay sumisid na ng sampung beses ang kanyang kalidad pagkatapos ng laban nila ni Floyd noon.
0o0
Bilang Kano na kababayan ni Mayweather Jr, playing safe si Muhammad Ali sa isyu ng pahayag ng kanyang anak na si Rasheda Ali tungkol sa pagkampi umano niya kay Pacquiao sa magiging laban nito kay Floyd.
Kategorikal niyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang “publicist” na wala siyang manok sa dalawa. “ Ali hasn’t offered his opinion to anyone.”
0o0
Ang numero unong prominenteng tao sa boksing na naniniwalang mananalo si Pacquiao kontra Mayweather ay itong si Bob Arum ng Top Rank.
Ayon sa promoter ni Manny, nasa “great shape” ang kanyang manok at naniniwala siya na dadagsa ang mga manood sa venue na Kano na magtsi-cheer kay Pacman dahil sa kanyang personalidad.
“Most Americans you would think would be rooting for Mayweather, but the contrast is true. The majority of the American population is rooting for Manny,” pandiin ni Arum.
0o0
Itinuturing ng United States of America na isang makasaysayang event ang paghaharap nina Manny at Floyd sa Ring sa May 2.
Dahil doon ay pangungunahan ng FBI at Department of Homeland Security ang pagpapalaganap ng katinuan sa MGM Grand.
Dahil doon ay inaasahan na magiging mahigpit ang seguridad sa venue para masiguro na walang mangyayaring anumang gulo.
ni Alex L. Cruz