HINDI na nais ng Rain Or Shine na bigyan ng pagkakataon ang Meralco na makabalik kung kaya’t pipilitin ng Elasto Painters na makumpleto ang 3-0 sweep sa pagtutuos nila ng Bolts sa Game Three ng best-of-five semifinal round ng PBA Commissioner’s Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Dinaig ng Elasto Painters ang Bolts sa Game One (99-86) at Game Two (92-82).
Kung maipagpapatuloy nila ang dominasyon nila sa Bolts ay didiretso na sila sa best-of-seven championship round at hihintayin na lang nila ang mananalo sa kabilang serye sa pagitan ng Talk N Text at defending champion Purefoods Star. Magkakaroon ng tsansa ang Elasto Painters na mapanalunan ang kanilang ikalawang kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa.
Sa Game Two noong Linggo ay nakabawi ang Elasto Painters sa masagwang first quarter ung saan lumamang ang Bolts, 27-16 nang magsimulang pumasok ang kanilang three-point shots.
Naging maganda ang game plan ng Meralco dahil double-teaming defense ang ginamit nito laban sa import na si Wayne Chism na nalimita sa 11 puntos.
Pero nahanap ng Elasto Painters ang mga open men at pumasok ang kanilang three-pointers.
Sa kabuuan ay gumawa ng 19 three-point shots ang Rain Or Shine kahit na hindi pa nakapaglaro ang pinakamahusay nitong shooter na si Jeff Chan bunga ng injury.
Si Paul Lee ay gumawa ng limang triples samantalang nagtala ng tigatlo sina Jericho Cruz at Jonathan Uyloan.
Si Lee ay nagtapos nang may 23 puntos. Nagdagdag ng 15 si Cruz at 10 si Chris Tiu upang punan ang pagkukulang ni Chism.
Alam ni Rain Or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na kung makakabawi ang Meralco ay mas magiging mahirap itong kalaban habang tumatagal ang serye. Kaya’t nais ng Elasto Painters na wakasan na ang semis mamaya.
Hindi naman sumusuko si Meralco coach Norman Black na naniniwalang kaya ng kanyang mga bata na makabuwelta. Maganda nga ang kanilang game plan sa Game Two kung hindi pumutok ang three-point shooting ng Elasto Painters.
Ang Meralco ay nakakuha ng 25 puntos kay Josh Davis sa Game Two. Nagdagdag ng 17 si Gary David at 12 si Reynell Hugnatan. Kailagan nga lang na tumindi din ang opensa ng ibang Bolts upang magkaroon sila ng tsansang patuloy na mabuhay sa serye.
ni SABRINA PASCUA