“Walang aliping maaaring maglingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.” Lucas 16:13
Hindi kaila sa atin na ang malawak at talamak na korupsyon ang isang nagpa-pahirap sa ating bayan. Tila walang kasiyahan kaya tila wala ring hangganan ang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Pera ang ginagamit upang makuha ang gusto at tinitingnan ang bawat bagay o tao na may katapat na presyo. Sa mga ganitong tao, pinipili ang pera na maghari sa kanilang buhay.
Mayroon sa mga ito ang makikitang nagsisimba at nangungumonyon pa. Ibi-nabandera din nila ang kanilang binibi-gay na tulong sa mga mahihirap at mga nasalanta ng mga kalamidad tulad ng bagyo o sunog. Maaaring naloloko nila ang mga tao sa kanilang pagpapanggap ngunit hindi ang Diyos. Alam ng Diyos ang tunay na pinili nilang maghari sa kanilang puso. Bukod sa kayamanan, mayroon pang ibang maaari nating piliin na mangibabaw sa ating buhay sa halip na ang Diyos. Nariyan ang ating mga mahal sa buhay, mga ari-arian, katanyagan o kapangyarihan. Anumang hindi natin ka-yang ipaubaya o pakawalan ay nagsisilbing mga diyos-diyosan na naglalayo sa atin sa tunay na Panginoon.
Sa totoo lang, araw-araw tayong sinusubukan at binibigyan ng pagkakataong mamili. Magsasabi ba ako ng totoo o magdadahilan o magpapalusot na lang ako? Pagbibigyan ko ba ang aking kaibi-gan kahit na ilegal ang transaksyon niya o tatanggihan ko ba? Magpapatawad ba ako o maghihiganti sa nakasakit sa akin? Sa lahat ng ito, nawa’y piliin natin ang tama. Piliin natin ang ating Diyos. Siya lamang ang Panginoon. Wala nang iba.
(Ang PAN-BUHAY ay isang paki-kipag-ugnayan sa pamamagitan ng pa-nulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibi-gay-Buhay”)
ni Divina Lumina