MABILIS ang asenso ni Frankie Lim.
Buhat sa pagiging assistant ni Renato Agustin noon sa kasalukuyang Commissioner’s Cup ay itinalaga na siyang head coach ng Barangay Ginebra papasok sa Governors Cup na mag-uumpisa naman sa susunod na buwan.
Well, bale isang conference lang ang itinagal ni Agustin na humalili kay Jeffrey Cariaso na siyang humawak sa Gin Kings sa makaraang Governors Cup at Philippine Cup.
Parang nagmamadali yata ang Barangay Ginebra ah. Hindi na nasunod ang two conference pattern kada coach. Isang conference na lang.
So ganoon na ba ngayon?
Aba’y kailangang makapag-produce kaagad ng magandang resulta si Lim dahil mabilisan na pala ang pagrelyebo ng coach sa Barangay Ginebra. Kumbaga’y may pressure kaagad si Lim na mapagkampeon ang Barangay Ginebra. Walang puwang para mag-eksperimento. Kailangan tamang resulta kaagad. kailangang manalo kaagad!
Medyo mahirap, hindi ba?
Pero walang magagawa si Lim kungdi tanggapin ang panibagong hamon na ito sa kanyang kakayahan. Kung hindi, malamang sa iba naman ibibigay ang posisyon.
So, kaysa mapunta sa iba, sisikapin na lang ni Lim na malampasan ang hamong ito.
Kumbaga’y chance of a lifetime ito.
Malay naman natin na magmistulang ‘miracle worker’ si Lim at magawa niya ang hindi nagawa ng mga nauna sa kanya.
Good luck!
ni Sabrina Pascua