Kinalap ni Tracy Cabrera
NANAWAGAN ang mga Senior Queensland medical official para sa pagpapatigil ng boxing sa Australia kasunod ng pagkamatay ng isang lokal na boksingero matapos matalo sa kanyang laban sa kanyang Pinoy challenger.
Binati pa ni Braydon Smith, 23, ang kanyang katunggaling si John Moralde sanhi ng unanimous points decision win ng Pinoy sa kanilang WBC Asian Boxing Council continental featherweight title bout sa Toowoomba ngunit nawalan ng malay makaraang makabalik sa kanyang dressing room.
Inilagak ang boksingerong law student din sa kalagayang induced coma pero hindi na ito nagkaroon ng malay pa hanggang patigilin na ang life support sa kanya sa Brisbane hospital nitong nakaraang Abril 6.
Ayon kay Australian Medical Association Queensland president Shaun Rudd, ang pagpanaw ni Smith ay nagpapakita kung bakit nararapat na ipagbawal na ang boxing sa buong bansa.
“Naniniwala kaming ang tinaguriang sport na nagsusuntukan ang dalawang tao para patulugin ang isa’t isa ay barbarong gawain,” ani Rudd sa panayam ng ABC.
“Hindi ka pinapayagang sumuntok sa mga bahagi ng katawang nasa ibaba ng belt pero pinapayagan namang sumuntok sa mga bahagi na nasa ibabaw ng balikat na pinakamahalagang organ ng katawan,” dagdag ng AMAQ president.
Ayon sa kinatawan ng pamilyang Smith, nais ipakita ng batang boksingerong wala pang talo sa 12 laban bago ang kanyang pagkatalo kay Moralde, na hindi delikado ang boxing gaya ng pina-ngangambahan ng karamihan.
“Nais niya talagang baguhin ang imahe ng boxing,” punto ni James O’Shea sa AAP.
“Maraming beses na minamasama rito sa Australia ang sport ng boxing.
“Isang malaking pagna-nasa niya (Smith) ay maipakita sa mga tao na hindi ito (masamang sport),” ani O’Shea
Ang pagkamatay ni Smith, na kilala rin bilang ‘The Great White’ ay naganap apat na taon makalipas mag-collapse ang isa pang Australian boxer, ang 18-anyos na Alex Slade, sa ikaapat na round ng kanyang laban sa Townsville. Hindi rin nagkamalay tulad ni Smith at pumanaw makalipas ang linggo.
Gayon man, idinepensa ni Boxing Queensland president Ann Tindall ang re-putasyon ng boxing.
“Ito’y isang tragic accident, isang tragic accident na maaaring mangyari habang nasa sasakyan o sa alin mang sport, marami rin naman mga sport na may mga namatay,” wika ni Tindall ayon sa ABC.
“Hindi kami naniniwalang immune kami, pero naniniwala rin kami na ang boxing ang nakasasama sa mga kabataan,” dagdag niya.
Nagpahayag naman si Moralde ng pakikiramay sa pamilya Smith.
“Ipinagdarasal ko ang kaluluwa ni Brayd, sumalangit nawa siya. Masyadong maaga ang pagpanaw niya. Umaasa akong ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay okay,” ani Moralde sa GMA News Online.