Ang tanging mahalaga sa kanya ay suweldo na matatanggap ng pamilya. Sumasala na kasi sa oras ng pagkain ang kanyang ina at mga nakababatang kapatid. Masasakitin pa naman ang nanay niyang nagkakaedad na. At para makapagpadoktor, kinakaila-ngan pa nitong dumayo sa karatig bayan.
Hindi iilan sa mga kababayan ni Digoy ang nangamatay nang ‘di nakatikim ng lunas. Ni hindi man lang nalaman ang naging sanhi niyon. Wala nga kasing doktor sa kanilang lugar. At lahat ng nakasama niya sa pabrika ay nakaranas din doon ng miserab-leng pamumuhay. Walang nagiging bunga ang angking tiyaga at sipag ng mga taga-roon, dahil walang magandang oportunidad sa kanilang bayan na mistulang patay na pamayanan.
May bahay-tindahan-karinderya sina Mang Pilo at Aling Dela sa isang gilid ng pabrika. Ang babae ang lingguhang lumuluwas sa bayan nina Digoy upang mamili ng mga pangangailangan sa pinamamahalaan nitong karinderya-tindahan. At ito na rin ang nagbabahay-bahay sa pag-aabot ng lingguhang sweldo sa pami-pamilya ng mga kabataang babae at lalaki na nagtatrabaho sa pabrika.
Dalawang daan at limampung piso na lang ang napasakamay ni Digoy sa pagtanggap ng unang sweldo. Binawas na agad doon ang limangdaang pisong paunang sweldo na ibinigay noon sa nanay niya. At gayundin ang kakarampot na perang tinanggap ng iba pa niyang mga kasama roon.
“Pwede kayong magpalista muna ng lahat ng kakainin at kukuhanin n’yo sa tindahan ko. At aawasin ko na lang ‘yun sa inyo pagdating ng araw ng sweldo,” sa tonong pagmamagandang-loob ng misis ni Mang Pilo.
Pero sa kwenta ni Digoy, mataas ang presyo ng lahat ng bilihin sa tindahan-karinderya ni Aling Adela. Kaya nagtitiis siyang huwag magmeryenda. Tipid na ti-pid din kung kumain siya sa almusal, tang-halian at hapunan.
Bale ba, pulos sardinas ang kadalasang putahe sa karinderya ng misis ng kanilang bisor; ginisa, torta, mitsado at ginulayan. At paminsan-minsan lang nagluluto ng ibang ulam doon.
“’Asan kaya ‘yung mga isdang maliliit o sobra sa laki na ‘di pasadong gawin na sardinas?” ani Onyok sa pag-arko ng mga kilay.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia