DUROG NA DUROG ANG PUSO NI KEVIN SA SINAPIT NI MAYBELLE
Natigagal siya sa panghihilakbot. At nangalog ang kanyang mga tuhod sa panlalambot.
Hindi lang alikabok ang nasasagap ni Kulot sa maghapong pamamasada ng traysikel sa kalye. Pati samo’t saring sitsit ay nasasahod ng matalas na pandinig nito. At kompleto rekados kung magkuwento ang kababata ni Kevin. At heto pa:
“Kagabi pa raw, e inaagasan na ng dugo si Maybelle… Huli na ang lahat nang maisugod siya sa ospital kaninang umaga ni Aling Patring gamit ang multi-cab ng ating barangay.”
Nangulimlim ang mukha ni Kevin.
“Ano raw ang dahilan nang walang tigil na pagdurugo ni Maybelle?” aniya sa paggaralgal ng tinig.
“Putragis! Mahigit dalawang linggo pa lang nakapanganganak, kinabayo nang ki-nabayo agad no’ng kunehong si Nonito. Hayun, nasibak ang mala-tokwang matris, tigok si Maybelle! “
Nagkulong si Kevin sa sariling silid. Nahilam ang kanyang mga mata ng mapapait na luha sa makadurog-pu-song kama-tayan ni Maybelle. Nagtatagis din ang mga ngipin niya sa pagngi-ngitngit kay Nonito. At napamura siya nang malakas: “Manyakisss!” Sa labas ng kanilang bahay, patuloy ang buhay sa pag-inog ng mundo… habang nagtitiklupan ang mga negosyong-kalye at maliliit na tindahan sa mga bara-barangay… habang naghihinagpis ang mga residenteng nawalan ng tirahan at naglulupasay sa kawalan ng ikabubuhay ang mga vendor sa nademolis na talipapa … habang sabay-sabay na nilalangaw ang mga kalakalan sa labas ng hypermart, supermarket, super mall at sa iba pang mga higanteng establisimyento… habang umuusad nang umuusad ang kaunlaran sa mga pangunahing distrito ng lungsod…
Ay, maraming makakasama si Kevin sa mahaba-habang gabi ng pagluluksa!
(wakas)
ni Rey Atalia