Para kay Mando Keleyope fictitious ka man o duwag na nagtatago sa FB account na walang mukha!
Jerry Yap
March 30, 2015
Bulabugin
HINDI ko sana papansinin itong nagtatago sa facebook account na MANDO KELEYOPE pero mayroon siyang mapanganib na ideya na baka ‘bilhin’ ng mga taong kagaya niya mag-isip-ipis.
Masyadong nakaaalarma ang pagiging IGNORAMUS ng nasa likod ng FB account na Mando Keleyope na sa pag-aanalisa ng ilan nating kasamahan sa pamanahayag ay may ‘malansang kaliskis’ sa katawan pero nagtatago sa balahibo ng isang mabantot na daga.
Ibig sabihin, ilang beses nang nagpalit ng kulay pero dahil naturalesa ang pagiging hunyango kaya mabilis ding nabibisto ang tunay na kulay.
Matapos masibak sa kanilang mga puwesto sina Sr. Insp. Danilo Soriano at SPO4 Roberto Quillope dahil napitikan ang apat na akusadong itinali sa kadena na parang aso at ikinandado sa walong padlock dahil natakdang ibiyahe sa Manila city jail, mauunawaan natin kung magalit o magtampo man sila aming news photographer o kaya sa aming diyaryo mismo.
Pero dahil ‘professional’ na pulis sina Soriano at Quillope, naniniwala tayong magiging aral sa kanila ang nasabing insidente.
Hindi lamang sa kanilang dalawa, kundi maging sa kabuuan ng Philippine National Police (PNP) lalo na sa MPD.
At dito pumapasok ang mga mapangwasak na ‘ANAY’ sa ganitong sitwasyon.
Hindi natin alam kung kina Manila Police District (MPD) director Gen. Rolanda Nana at MPD Press Corps President Kiko Naguit, may galit ang nasa likod ng FB account na Mando Keleyope o mayroong marubdob na pagkainggit matapos mai-scoop-an ng larawan ni HATAW photog Bong Son.
Napag-isip-isip natin ‘yan nang lumutang ang komentaryo sa Facebook account ng MPD Press.
Reading between the lines, ang komentaryo ng FB account na Mando Keleyope ay nagsasabing MPD ang nagbabayad ng koryente at tubig na ginagamit sa MPD Press Office.
Siguro ay hindi nagbabayad ng BUWIS itong nasa likuran ng Mando Keleyope FB account kaya hindi niya naiintindihan na essentially, ang ginagastos sa pagmamantina ng MPD ay mula sa taxpayers’ money.
Ang pagkakaroon ng mga press corps o press offices sa government agencies ay hiniling mismo ng mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan dahil kailangan ito para mabatid ng TAXPAYERS na sila ay may ginagawa sa ikabubuti ng ating pamahalaan.
Entonces, ikaw na nagtatago sa FB account na Mando Keleyope ay walang karapatang magsalita sa tonong tila kailangang magkaroon ng utang na loob ang MPD Press at iba pang press offices sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, sa pamamaraan na pagtakpan kung anong pagkakamali mayroon ang ahensiya o ilang tao nito sukdulang paglabag sa mga batayang batas-unibersal na kinikilala at inirerespeto sa buong mundo.
Dahil mayroong espasyo sa loob ng MPD headquarters ang MPD Press Office ay nangangahulugan ba ito na dapat konsintihin na lang kung ano ang mga iregularidad?!
It’s very dangerous!
Kung gusto mong mabuhay sa kasalaulaan, duwag na nagtatago sa FB account na Mando Keleyope, ikaw na lang! Huwag mo nang idamay ang mga taong kumikilala at naiintindihan kung ano ang kanyang ginagawa.
Sa hanay ng pulisya na nakakikilala kung sino man ang nasa likod ng account na Mando Keleyope, ang masasabi lang natin, mag-ingat kayo dahil baka maipagpalit kayo sa kanin at ulam sa oras ng kanyang kagipitan.
Sa mga katoto natin na nasa MPD Press Office, mag-ingat kayo, dahil ang ULUPONG ay wala sa kabukiran, baka nariyan lang sa inyong tabi at kayo na ang susunod na bibiktimahin.
At ang higit na nakatatakot, ‘yang ULUPONG na ‘yan ay kayang magsa-HUNYANGO.
Magduda kayo kapag may lumalapit sa inyo na parang ‘kamukha’ na ninyo dahil tiyak ‘yun, siya ang nasa likod ng FB account na MANDO KELEYOPE!
Ingat-ingat, mga katoto!