Bombero dapat protektahan sa galit ng nasunugan — Roxas
hataw tabloid
March 27, 2015
News
NAGLABAS ng mandato si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) na agarang magsagawa ng isang joint investigation matapos makatanggap ng ulat ng pananakit sa mga bombero habang nagseserbisyo.
“These are individuals who put their own lives on the line in the name of duty. And they should be supported enough para mabigyan sila ng security at ng highest chance of success sa lahat ng misyon nila,” ani Roxas. “Isinasakripisyo nila ang kanilang buhay sa kanilang trabaho. Dapat lang na suportahan sila.”
Nakatanggap si Roxas ng balita mula sa Association of Philippine Volunteer Fire Brigades, Inc., tungkol sa kanilang pag-pull out sa mga bombero matapos magkagulo sa gitna ng pag-apula ng sunog sa Brgy. Tonsuya, Malabon City nitong Martes.
Ayon sa ulat, sugatan ang apat na bombero matapos silang atakehin at pagbabatuhin ng bato ng ilang galit na residente sa gitna ng kanilang pagtatrabaho.
Dalawa sa mga bombero ang nasugatan sa ulo, at nawasak din ang windshield ng firetruck dahil sa tama ng mga bato.
Ayon kay BFP-NCR Director Senior Superintendent Sergio Soriano, faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog na ikinamatay ng da-lawang senior citizens, at tumupok ng 205 bahay na pag-aari ng 500 pamilya sa nasabing barangay.
Madaling araw na ng Miyerkoles nang tuluyang maapula ang sunog na umabo sa halos P3 milyong pisong halaga ng ari-arian.
Iginiit din ng mga awtoridad na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga bombero at ilang residente sa kabila ng nagaganap na sunog.
“Kailanman ay hindi natin puwedeng isakripisyo ang kaligtasan ng ating mga volunteer,” dagdag ni Ro-xas.
Muling ipinaalala si Roxas na maging kalmado at responsable sa tuwing may sunog at dapat itong iwasan sa lahat ng pagkakataon.