ni Sabrina Pascua
SISIGWADA na ang magkahiwalay na duwelo sa best-of-three quarterfinal round ng PBA Commissioner’s Cup na mag-uumpisa mamaya sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magkikita ang Meralco at NLEX sa ganap na 4:15 pm at susundan ito ng engkwentro sa pagitan ng Alaska Milk at defending champion Purefoods Star sa ganap na 7 pm .
Bagama’t nagwagi ang Road Warriors at Hotshots kontra sa kanilang mga katunggali sa elims ay hindi yon nagbibigay sa kanila ng anumang bentahe.
Tinalo ng NLEX ang Meralco, 89-76 noong Pebrero 27. Kapwa nagtapos nang may 6-5 karta ang Road Warriors at Bolts para sa ikaapat at ikalimang puwesto.
Pumangatlo naman ang Purefoods sa record na 8-3 samantalang nakatabla ng Aces ang Barangay Ginebra at Barako Bolts matapos na magwagi kontra Gin Kings, 104-98 noong Miyerkoles. Nakamit ng Alaska Milk ang ikaanim na puwesto bunga ng mas magandang quotient.
Sa kanilang pagtatagpo sa elims ay dinaig ni NLEX import Al Thornton si Meralco import Josh Davis sa scoring, 36-19.
Si Thornton ay susuportahan nina Paul Asi Taulava, Nino Canaleta, Jonas Villanueva Enrico Villanueva at Mark Cardona.
Katuwang naman ni Davis sina Gary David, Jared Dillinger, Reynell Hugnatan, Sean Anthony at Mike Cortez.
Sa kanilang pagkikita sa elims, hindi nakasama ng Alaska Milk sina JVee Casio at Joaquim Thoss na kapwa injured. Ang import ng Aces noon ay si DJ Covington na hinalinhan ni Damion James.
Pero ang import ng Purefoods noon ay ang mas maliit na si Marcus Blakely na tumulong sa Hotshots na magwagi sa unang tatlong laro bago pinalitan ni Daniel Orton. Hindi nagtagal si Orton na hinalinhan ng dating Best Import na si Denzel Bowles.
Sa pagbabalik nina Casio at Thoss ay kumpleto na ang sandata ni coach Alex Compton. Kasama nila sina Calvin Abueva, Cyrus Baguio at Dondon Hontiveros.
Si Bowles ay tutulungan nina James Yap, Marc Pingris, Joe DeVance, Peter June Simon at Mark Barroca.