“Payapa na sana si Mommy sa kanyang kinaroroonan,” aniya sa pagpapahid ng kanyang mga mata ng panyong basambasa na ng luha.
“Tahan na… ‘Ly… Baka kung mapa’no ka naman,” si Ross Rendez, masuyong hu-magod ng palad sa kanyang likod.
Nagpamisa si Lily sa simbahan sa ika-apatnapung araw ng kamatayan ng kanyang Mommy Sally. Nakaalalay pa rin sa kanya ang binatang writer. Na sa paglipas pa ng ilang araw ay higit na naglaan ng mga oras para malibang siya.
“Nasa dugo mo ang pagsusulat… Magsulat ka ulit nang magsulat, ‘Ly…” panghihikayat sa kanya ni Ross Rendez.
“Manhid na ‘ata ang utak ko sa dami ng mga pinagdaanang kabiguan…” ang nai-sagot niya sa binatang nobyo.
“Mas tumatamis ang mga panulat ng isang writer na nakaranas ng mapapait na kabiguan…” ang seryosong nasabi nito sa kanya.
“Ganu’n ba ‘yun?” sambot agad niya.
“Totoo ‘yun sa akin…” pagtuturo ni Ross Rendez sa sarili.
Ilang saglit siyang natahimik.
“P-pakakasalan mo ba ako?” ang bigla niyang naitanong sa nob-yo.
“Uulitin ko ang nasabi ko na sa iyo noon…Kung ano ang inaakala mong pabor sa panig mo, ‘yun ang susundin ko…Pero wala akong maipangangako sa ‘yo kundi ang maging tapat sa ating pagmamahalan,” anito sa buong-buong tinig. Disyembre 24 nang taon ding yaon ay kumalembang nang kumalembang ang kampana ng simbahan na pinagdausan ng paki-kipag-isang dibdib ni Lily kay Ross Rendez.
At makulay na naisalarawan ni “White Lily” sa isa niyang kwento ang panibagong kabanata ng kanyang buhay sa piling ng lalaking makakasama sa habambuhay.
(wakas)
ni Rey Atalia