SA KUPIT NA 2 KENDI NAGKULAY TALONG ANG DALAWANG BINTI NI KEVIN SA PALO
“Ano ikaw gusto bili?” ang magiliw na tanong sa kanya nito kahit pilipit ang dila sa pananagalog.
Isa-isa niyang binanggit ang mga ipina-bibili ng ina sa sari-sari store na ipina-ngalan kay Aling Cely, ang dating kasambahay na napangasawa ni Mang Ong. Sa bulung-bulungan ng may makakating dila, “May tsimay na, may parausan pa,” ang Tsinong taga-Mainland China.
Matapos maisupot ang mga pinamili, ipinadagdag ni Kevin sa kwentahan ang da-lawang pirasong kending tig-piso ang isa. Beinte siyete pesos at singkwenta sentimos ang kabuuang halagang binayaran niya kay Mang Ong. Sinuklian siya nito ng dalawang mamiso at dalawang beinte singko sentimos.
Inilapag niya sa mesa ng kusina ang supot ng mga pinamili sa tindahan. Pagkaraa’y nilapitan na agad niya si Aling Edeng na nagpaparingas ng uling sa kanilang kalanan. Naglahad na agad ito ng palad. Pero agarang namaga ang mukha nito pagkakita sa iniabot niyang sukli.
“Ba’t kulang ‘to ng dalawang piso?” pamimingot ng ina sa kanyang tenga.
“’Yan po ang sukli ni Mang Ong,” ang pautal na pangangatwiran niya sa ina.
“Lintek ka! Marunong ka nang ma-ngupit…” ang mariin nitong akusasyon sa kanya.
Dinampot ng nanay niya ang walis tambong nakasabit sa dingding ng kanilang bahay. Ipinanghataw ang tangkay niyon sa kanyang mga binti at hita kasabay ng pagpepresyo nito sa mga panindang pinamili sa tindahan ni Mang Ong.
“Oy, ‘di mo ‘ko mapapalusutan… Kabisado ko ang presyo ng mga paninda kina Ong. At mas mura du’n, huh!” singhal sa kanya ni Aling Edeng, ipinangtuktok pa sa ulo niya ang tangkay ng walis tambo.
Tatlong araw na nagkulay-talong ang mga binti at hita ni Kevin sa pamamalo noon ng kanyang ina.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia