BAGAMA’T kasado na sa May 2 ang bakbakang Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., naroon pa rin ang pagdududa ng ilang boxing experts na posibleng hindi matuloy ang laban.
Ang isa sa matinding dahilan kung bakit puwedeng hindi matuloy ang laban ay kung lalabas na positive sa droga ang isa sa kanila.
Di ba’t yun ang concern ng isang sikat na boxer. Baka yariin ng kampo ni Mayweather ang kalabasan ng drug test at maging positive si Pacman.
Sa ganoon nga namang paraan ay malilibre na naman si Floyd para makaiwas sa bakbakan nila ni Manny.
Magandang pasakalye iyon para sa kampo ni Pacquiao. Ngayon pa lang ay dapat lang na may solusyon na sila kung sakali ngang ganoon ang gawing kawalanghiyaan ng kampo ni Floyd.
0o0
Maganda itong suhestiyon ni Michael Koncz tungkol sa fine sa mapapatunayang gumagamit ng PEDs.
Tumataginting na $5 milyon ang magiging multa nina Floyd at Manny sa mapapatunayang gumagamit ng droga.
Whew. Malaking kayamanan na iyon kung sakali.
Paano naman kung overweight?
Mukhang wala pa silang napag-uusapan na multa tungkol sa labis na timbang.
Posibleng mangyari ito. Di ba’t overweight si Floyd ng kung ilang pounds nang timbangin sila sa official weigh-in ni Juan Manuel Marquez nang magharap sila?
Masyadong maliit ang multa sa labang iyon kaya binayaran na lang ni Floyd ang extra weight at hindi na siya nag-aksaya pa ng pawis para kalusin ang timbang.
Paano kung mangyari uli iyon?
ni Alex L. Cruz