BATA PA SILA’Y CRUSH NA NI KEVIN SI MAYBELLE, ANAK NG MAY-ARI NG TINDAHANA
“Halika nga, lintek ka!” kaway sa kanya nito, astang galit.
Nabitin ang pagpitik niya sa teks.
“Tawag na ‘ko ng nanay ko,” aniya sa batang lalaking kalaro ng teks,
“Ay, duga! Porke’t nananalo ka, aayaw ka na…” angal nitong tumulo sa ilong ang malapot-lapot at manilaw-nilaw na sipon.
Muntik na niyang masagi sa hangos na pagtakbo ang balikat ng kababatang kalaro. Napakamot na lamang sa ulo sa biglaan niyang pang-iiwan sa harap ng Maybelle Sari-Sari Store sa looban ng komunidad na kapwa nila kinalakhan.
“Puro ka laro… Tatamaan ka na sa ‘kin,” talak sa kanya ng inang nakapamaywang sa pintuan ng kanilang bahay.
Susukot-sukot siyang lumapit kay Aling Edeng. Dumukot agad ng isang beinte pesos na papel at dalawang lilimahing pisong barya sa suot na bulaklaking duster. Iniabot iyon sa kanya. Pinabibili siya ng isang kilong bigas, isang latang sardinas, dalawang pirasong kalamansi at konting toyo. At bilin nito, doon siya bumili sa tindahan ni Mang Ong.
Bahagyang napakunot ang noo ni Kevin. Sa isip niya, bakit laging doon siya inuutusan sa tindahan sa kanto na tatlong bloke ang layo sa kanilang tirahan? Katapat lang kasi ng bahay nila ang tindahan sa silong ng bahay nina Aling Patring na nanay ng crush niyang si Maybelle. Kabatian naman ng nanay niya si Aling Patring, katawanan pa nga ng kanyang ina sa masasayang kwento-kwentohan ng mga magkakapitbahay sa kanilang looban. At sa pagkakaalam niya, walang tsetse-buretseng pinauutang sila ng mga paninda sa tindahan.
Nakapaskel sa harap ng Cely’s Sari-Sari Store: “Bawal ang utang ngayon, bukas pwede na.” Pero litaw ang giligid sa pagkakangiti ni Mang Ong na tumatao roon. Nakita ni Kevin sa pagitan ng mga rehas na bakal ng tindahan ang pagkinang ng mga gintong ngipin nito na may makapal na tartar. (Itutuloy)
ni Rey Atalia