Kinalap ni Tracy Cabrera
HINATULAN ng korte sa Myanmar ang isang New Zealand bar manager at ang kanyang mga business associate ng 2 1/2 taong pagkabilanggo dahil sa pag-insulto sa Budismo (Buddhism) sa online advertisement na nagpapakita ng psychedelic na imahe ni Buddha na nakasuot ng headphones.
Pinatawan sina Philip Blackwood, 32, Tun Thurein at Htut Ko Ko Lwin ng dalawang taong hard labor sanhi ng pag-insulto ng relihi-yon at anim na buwandahil sa pagsuway ng kautusan mula sa isang public servant. Matapos ang paghatol, sinabi ni Blackwood, manager ng V Gastro, na iaapila niya ang desisyon ng korte.
Mahigit 90 porsyento ng mamamayan ng Myanmar ay sumasampalataya sa Budismo, at ang anumang pag-insulto sa relihiyon tinatanaw na seryosong pagkakasala, lalo na sa konteksto ng religious-based violence sa nakalipas na mga taon na kinasasangkutan ng mga Buddhist laban sa mga Muslim.
Umani naman ang sentensya ng batikos mula sa mga human rights group, na nagsabing katawa-tawa ang nagging hatol ng korte dahil lamang sa pag-post ng image online para i-promote ang isang bar.
Gayun pa man, pinuri naman ng mga mongha at hard-line Buddhist ang verdict ng Yangon court.
“Patas lang ito. Ang kaparusahan ay makakapigil sa iba na insiulto pa ang Budismo at maging ang iba pang mga relihiyon,” wika ni Paw Shwe, miyembro ng isang Buddhist organization.