ni Sabrina Pascua
PUNTIRYA ng Barangay Ginebra at Globalport na makabalik sa win-column at makaakyat sa ikaanim na puwesto sa kanilang pagtutunggali sa Petron out-of-town game ng PBA Commisioner’s Cup mamayang 5 pm sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Ang Gin Kings at Batang Pier ay kasama ng Alaska Milk sa ikaanim hanggang ikawalong puwesto sa kartang 4-5.
Kapwa galing sa back-to-back na pagkatalo ang Barangay Ginebra at Globaport.
Ang Barangay Ginebra ay galing sa magkasunod na kabiguan buhat sa NLEX (96-90) at Rain Or Shine (82-79). Sa magkaparehong laro, ang Gin Kings ay nakapagposte ng malaking kalamangan sa first half subalit nabigong mapanatili ang intensity hanggang sa dulo.
Ang Globalport ay natalo din sa huli nitong dalawang laro laban sa Talk N Text (96-88) at NLEX (84-71).
Kung makakalasap sila ng ikatlong sunod na kabiguan ay malalagay sila sa balag ng alanganin. Sa ilalim ng tournament format, ang ikasiyam hanggang ika-12 koponan sa pagtatapos ng elims ay tuluyang malalaglag.
Ayaw din nilang matapos sa ikapito’t ikawalong puwesto dahil sa makakaharap nila ang top two teams na mayroong twice-to-beat na bentahe sa quarterfinal.
Laban sa Road Warriors ay nagparada ng ikatlong import ang Globalport sa katauhan ni Derrick Caracter na humalili Maky Calvin Warner na umuwi sa Estado Unidos upang asikasuhin ang personal na problema.
Isang second-round pick ng Los Angeles Lakers sa 2010 NBA Draft (No. 58 overall), si Caracter ay nagtala ng 27 puntos at 14 rebounds sa kanyang unang laro sa Glbalport.
Hindi din nakapaglaro kontra NLEX ang top draftee na si Stanly Pringle na mayroong injury. Inaasahang magbabalik siya sa active duty mamaya.
Si Caracter ay makakatapat ni Michael Dunigan na susuportahan nina Greg Slaughter, Japhet Aguilar, Mark Caguioa, LA Tenorio at Mac Baracael.
Balik sa Smart Araneta Coliseum ang mga laro bukas kung saan makakatagpo ng Rain Or Shine ang KIA Carnival sa ganap na 3 pm. Magduduwelo naman ang Talk N Text at Alaska Milk sa ganap na 5:15 pm.