Muntik nang murahin ni Lily ang D.O.M. Nagpigil siya. Pinagsabihan na lamang niya ito sa isip na “Pangit na nga ang mukha mo, pangit pa rin ang ugali mo!” At masamang-masama ang loob niyang nilisan ang magara at malaking bahay nito.
Kapapasok pa lang niya ng club nang gabing iyon. Nag-ring ang kanyang cellphone habang nagpapalit siya ng kasuotang pang-model-dancer. Pangalan ng daddy niya ang nakarehistrong caller. Biglang kumabog ang dibdib niya sa pagsagot. “Hello” pa lang ang nasasabi niya ay naihi-nga na agad nito ang lahat ng gustong sabihin. At napag-alaman niyang isinugod ng daddy niya sa ospital ang kanyang mommy.
“Sabi ng doktor ng ospital, kung makukuha pa sa mga gamot at dialysis ay baka hindi putulan ng binti ang mommy mo,” ang mangiyak-ngiyak na pagbabalita ng kanyang Daddy Louie sa telepono.
Mistulang piniga ang dibdib ni Lily at “diyuskupuuu!” ang nasabit niya.
“M-malaking pera ang kailangan ng Mommy mo, anak…” pagsasabi sa kanya ng amang tila ibig nang maiyak.
Natuliro ang isipan ni Lily. Malaking halaga ng salapi ang kailangan upang maipagamot ang kanyang mommy sa isang kilalang ospital sa Quezon City. At uma-lingawngaw sa utak niya ang mga pahabol na pangungusap ng ganid at manyakis na matandang usurero: “Tawagan o i-text mo lang ako, kung payag ka sa gusto ko.”
Tulak ng apurahang pangangailangan sa pera, agad niyang tinawagan ang mayamang usurero.
“Puntahan mo ako rito…” anitong tila nakangisi sa kabilang dulo ng telepono.
“S-saan ka naro’n?” ang mabilisang tanong niya.
Idiniga ng D.O.M. ang lokasyon ng 5-star hotel at ang numero ng silid na ino-okupahan niya roon.
Umorder muna ng pagkain at inumin ang matandang usurero para sa dalawa-katao. Ni hindi siya tumikim ng masasarap na pagkain. “Wala akong gana” ang ikinatuwiran niya sa matandang lalaki. Tinagayan siya nito ng alak. (Itutuloy)
ni REY ATALIA