IKAAPAT na sunod na panalo ang hangad ng defending champion Purefoods Star kontra sa Meralco upang wakasan ang elimination round ng PBA Commissioner’s Cup at angkinin ang unang puwesto mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Llamado naman ang Rain Or Shine laban sa Blackwater Elite sa kanilang tagpuan sa ganap na 4 pm.
Ang Hotshots ay nagwagi sa kanilang huling tatlong games laban sa San Miguel Beer (113-105), Talk N Text (118-117) at Barako Bull (103-96) upang manguna a kartang 7-3. Parehas namang may 6-3 karta ang Meralco at Rain Or Shine samantalang tuluyang nalaglag na ang Blackwater na may 2-7.
Sinimulan ng Meralco Bolts ni coach Norman Black ang torneo sa pamamagitan ng limang sunod na panalo. Subalit matapos iyon ay natalo sila ng tatlo sa huling apat na game. Noong Martes ay pinayuko sila ng Alaska Milk, 108-103.
Sakaling mananalo ang Bolts sa Hothots ay malamang na masungkit na nila ang No. 1 spot at twice-to-beat advantage sa quarterfinals dahil sa ang huli nilang kalaban ay Blackwater sa Marso 25.
Sa import match-up ay magtatagpo sina Denzel Bowles ng Purefoods Star at Joh Davis ng Meralco.
Si Bowles ay suportado nina James Yap, Marc Pingris, Joe deVance, Peter June Simon at Mark Barroca.
Katuwang naman ni Davis sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge, Sean Anthony at Reynell Hugnatan.
Ang Rain Or Shine ay nakabawi sa 129-114 pagkatalo sa San Miguel Beer nang maungusan ang Barangay Ginebra, 82-79 noong Linggo.
Subalit matapos ang larong iyon ay pinagmulta ng Commissioner’s Office si Beau Belga ng P70,000 at si Raymond Almazan ng P40,000 bunga ng panunuya sa mga fans.
Ang Rain Or Shine ay pamumunuan ng import na si Wayne Chism na makakatapat ni Marcus Douthit.