IBA na rin yung mayroong twice-to-beat advantage sa quarterfinals!
Ibig sabihin, isang panalo lang ay pasok ka na kaagad sa semifinal round.
May pagkakataon kang magsagawa ng nararapat na adjustments sakaling madiskaril sa unang laro.
Pero siyempre, ayaw mong matalo sa unang laro dahil paparehas na ang kalaban mo at isa’t isa na lang ang laban sa susunod. Malaki na ang tsamba doon.
Kaya naman inaasahang buhos ang magiging performance ng Purefoods Hotshots kontra Meralco Bolts dahil sa ang mananalo sa kanila mamaya ay tiyak na makakakuha ng unang puwesto.
Itotodo rin ng Rain Or Shine ang makakaya nito laban sa Blackwater dahil puwede ring dumiretso sa top spot ang Elasto Painters.
Sa totoo nga, parang mas mahirap ang katayuan ng Rain Or Shine, e. Kasi ang kalaban nila ay tsugi na. Walang mawawala sa Blackwater. alang pressure ang Elite.
Hindi tulad ng Purefoods at Meralco na kapwa may pressure.
Kaya lang, kung magbabalik tanaw sa kauna-unahang conference ni Tim Cone bilang coach ng Purefoods (dating San Mig Coffee), aba’y naging topnotcher din ang kanyang koponan matapos ang elims at nagkaroon ng twice-to-beat advantage kontra No. 8 team na Powerade.
Sukat ba namang natalo ng dalawang beses ang koponan ni Cone sa Powerade na nakadiretso sa Finals.
Sa kasalukuyang Commissioner’s cup, maraming posibilidad kung sino ang puwedeng makaharap ng Purefoods bilang No. 8 team. Kasi puwedeng maging No. 8 and ang Miguel Beer o Alaska Milk o Barangay Ginebra.
Aba’y hindi sila nakakaseguro doon. Hindi nila basta-bata maididispatsa ang kalaban nang ganoon na lamang.
ni Sabrina Pascua