kinalap ni Tracy Cabrera
SA daigdig ng ‘rich and famous’ wala kang sinabi kung wala ka rin yate, o superyacht. Hanggang ngayon, ang merkado rito ay nakatuon lamang sa mga lalaking multimilyonaryo.
Ngunit “mula ngayon ay bukas ang daigdig ng mga luxury superyacht para sa kababaihan din,” ayon kay Lidia Bersani, isang designer na gumuhit ng mga plano para sa kauna-una-hang superyacht na gagawin para lamang sa mga babae.
Itinuon ni Bersani ang kanyang luxury interior design skills para makagawa ng La Belle, isang concept design para sa ‘elegante at pambabaeng superyacht.’
Idinisenyo ang 80 metro bangka para sa 12 katao, at ipinagmamalaki nito ang 5 deck, isang master bedroom na may malaking circular bed, at limang guest suite. Mayroon din itong beauty center, disco, cinema, mga bar at isang well-equipped spa.
“Sa ngayon, naka-focus ang mga luxury yacht sa pag-entertain at sports ng kalalakihan, kasama o hindi ang kanilang mga girlfriend,” pahayag ni Bersani sa CNBC sa kanyang email.
“Babae rin ako, kaya alam ko rin ang mga nais ng kapwa ko, maging ang mga panaginip at taste ng mga babae. Masasabi ko sa inyo, hindi kami umaasang manood ng football habang umiinom ng whisky at humihithit ng cigar,” dagdag niya.
Pinalagyan ni Bersani ang mamahaling interior ng idinisenyong yate ng ginto at kristal bukod sa ‘gold-plated helicopter pad.’ “Pasensya na pero hindi magiging cheap (mura) ang La Belle,” aniya.
Plano niyang ipagawa ito sa kilalang European shipbuilder at dito malalaman kung magkano ang magiging price tag nito.