“Sa lungsod na ito na malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking deposito ng tubig na may limang portico. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay at mga paralitiko. May isang lalaki doon na tatlumpu’t walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Hesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya’t tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di’y gumaling ang lalaki binuhat ang kanyang higaan at lumakad.” Juan5:2-8
Ayon sa kuwentong hango sa Biblia, pinagaling ni Hesus ang isang taong tatlumpu’t walong taon nang paralitiko. Matagal na sana siyang gumaling ngunit walang tumulong sa kanya na maunang makarating sa tubig na diumano’y nagpapagaling sa mauunang makarating dito kapag nagsimula na itong gumalaw.
Karaniwan, ang pagkakaalam natin sa isang paralitiko ay isang taong nawalan ng kakayahang maigalaw ang kanyang katawan o ilang mga bahagi nito. Sa ibang pananaw, maaari din tayong maging paralitiko sa ating pag-iisip, sa emosyon at sa espirituwal na buhay. Sa pag-iisip, kung puno tayo ng negatibong pananaw at takot sa maraming bagay katulad ng kabiguan. Sa emosyon, kung ballot tayo ng galit, paghihiganti o sobrang lungkot at pasakit. Sa buhay espirituwal, dahil sa mga kasalanang hindi pinagsisisihan o sa pagkakait ng pagpapatawad sa kapwa at sa sarili. Ikaw, kapatid, paralitiko ka rin ba?
Kung ikaw ay paralitiko, kahit ano mang uri nito, huwag mag-alala dahil may kagalingang naghihintay sa iyo. Katulad ng paralitiko sa kuwento, kailangan lang magpakita ng pagnanais na gumaling. Lumapit kay Hesus. Naghihintay lamang siya. At sa mga kakilala mong paralitiko, kailangan nila ang tulong mo. Ilapit sila sa Panginoon, ang pinagmumulan ng lahat ng kagalingan.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)
ni Divina Lumina