ISANG KAHON ANG DUMATING PARA KAY YOYONG MULA KAY CHEENA
Iminungkahi niya kay Aling Estela na dapat itong magsadya sa tanggapan ng konsulada ng Hong Kong.
“Mag-inquire po kayo roon. Baka po mabigyan nila kayo ng impormasyon tungkol kay Cheena,” aniya sa nanay ng katipan.
“H-hindi ko alam ang pagpunta sa konsulada ng Hong Kong…” pagtatapat nito sa kanya.
“Pwede ko po kayong samahan sa pagparoon…” pagpipresinta niya sa sarili.
“S-sige nga, iho… Kelan mo ako pwedeng samahan?”
“Kung kelan po ninyo gusto…”
Araw ng Lunes nang lumapit sina Yo-yong at Aling Estela sa tanggapan ng konsulada ng Hong Kong. Ipinaliwanag nila ang dahilan ng pagpunta roon sa isang opis-yal na humarap sa kanila. Konti munang interbyuhan. Kinuha nito sa kanila ang buong pangalan ni Cheena, pangalan at address ng mga among pinaglilingkuran ng dalaga. Nanghingi rin ng larawan ni Cheena ang taga-konsulada. At pagkaraan ni-yon ay sinabi nitong tatawagan na lamang sila sa oras na mayroon na itong impormasyon na maibabalita sa kanila.
Isang linggo ang mabilis na nagdaan.
Napabalikwas si Yoyong sa higaan nang may marinig siyang mga katok sa pintuan ng kanilang tirahan. Nasilip niya sa kanyang silid na Kuya Dandoy niya ang nagbukas ng pinto. At sumungaw roon ang isang delivery boy ng isang kompanyang nagseserbisyo ng door-to-door na paghahatid ng mga padala na nanggagaling sa abroad.
Nakapangalan sa kanya ang pagkalaki-laking kahon na tila naglalaman ng pagkalaki-laking gamit na gaya ng refri-gerator. Sabi ng delivery boy, galing iyon sa Hong Kong na padala sa kanya ni Cheena.
Sabik niyang binuksan ang kahon. Umarko ang kanyang mga kilay sa pagtataka. Apaw iyon sa panyo – pulos itim pa ang kulay. (Itutuloy)
ni Rey Atalia