Kinalap ni Tracy Cabrera
NAGSAGAWA ng ikatlong matagumpay na paglipad ang masasabing kauna-unahang solar-powered plane sa himpapawid ng United Arab Emirates para itala ng ‘ahead of schedule’ ang planong round-the-world tour sa pag-promote ng alternatibong enerhiya.
Umaasa ang mga organizer na mapaaga ang pagbiyahe ng Solar Impulse 2 nang palibot sa mundo ngunit naantala dahil ang paglunsad nito ay nakadepende sa panahon, sa kabila ng kawalan ng ano mang weather disturbance sa Gulf.
Ang isang-oras na test flight ang ikatlong paglipad ng eroplano mula sa Al-Bateen airport sa kabisera ng UAE na Abu Dhabi, pero una naman pagbiyahe sakay nito ni Solar Impulse chairman Bertrand Piccard.
“Umaasa kami, kapag maganda ang panahon, lilipad kami ng 35,000 kilometro (21,748 milya) sa silangan hanggang makabalik kami rito,” ani Piccard sa AFP.
Ang proyekto ay resulta ng 13 taon pag-aaral at pagsusuri na isinagawa ni Piccard at Andre Borschberg, dalawang Swiss pilot na ang inisyal na ideya ay kinutya nang karamihan sa aviation industry.
Pinalilipad ang Solar Impulse 2 ng mahigit 17,000 solar cell na inilagay sa mga pakpak nito na, sa 72 metro (236 talampakan), ay kasing haba ng isang Airbus A380 superjumbo.
Gawa sa light-weight carbon fibre, tumitimbang lamang ito ng 2.3 tonelada, na kasing bigat ng isang family 4×4 o mas mababa ng isang porsyento sa timbang ng A380.
Sa world tour nito, makikita ang eroplanong lilipad mula Abu Dhabi patungong Muscat sa Gulf sultanate ng Oman bago tatawid sa Arabian Sea patungong India, saka tutuloy sa Myanmar, China, Hawaii at New York.