Bakit ayaw umalis ni Yorme Junjun sa Makati?
Jerry Yap
March 14, 2015
Bulabugin
DESIDIDO ang mga Binay na huwag bitawan ang Makati City.
Ilalaban nila sa iba’t ibang paraan at proseso ang pananatili nila sa Makati.
Ganito ang ginagawa ngayon ng suspendidong si Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr.
Hindi ito nakapagtataka, dahil ganito ang kultura at sistema ng politika sa ating bansa .
Nagkaroon lang tayo ng batas na nagbabawal sa nepotismo sa burukrasya at kinokondena ang political dynasty sa buong sistema ng politika sa bansa pero sa totoo lang, pinapansin lang natin ito kung hindi na nagsisilbi sa interes ng bawat isa ang nakapuwesto.
Ang isyu ng nepotismo at political dynasty ay depende sa kung sino ang nakikinabang at kung sino ang naaapakan.
Pero sa kabuuang sistema kung nais natin nang maayos at matinong politika sa ating bansa, dapat talaga nating itakwil ang nepotismo sa burukrasya at political dynasty sa sistemang pampolitika ng ating bansa.
Ang ginagawang pagtatanggol ni Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr., sa kanyang poder ay normal na reaksiyon dahil dito nakasalalay ang interes ng buong pamilya sa politika.
Kung tutuusin, nakabibilib ang galing noon ng kanilang tatay na si Vice President Jejomar “Jojo” Binay.
Binansagang Rambotito at Ulikba, sa positibo at negatibong kono-tasyon, pero pareho niyang ginamit ang dalawang bansag para isulong ang kanyang interes-politikal sa lungsod.
Ang Makati City na itinuturing na financial district ng bansa ay napamanuan ng isang ulikba?! At nakapagtatag ng dinastiya ng kanilang lahi?!
Sumumpa si Junjun na hindi siya aalis sa Makati dahil ang kanilang katuwiran, masama ang timing ng kabila’t kanang upak at pagbibintang sa kanilang pamilya. Sa pananaw ng pamilya Binay, pamomolitika ang ultimong interes nang tila hindi nagpapahingang banat sa kanila komo itinuturing na malakas na contender sa presidential election sa 2016 ang kanyang ama na nakahanay sa oposisyon.
Sa ganang atin, pamomolitika man o hindi, ang layunin ng kabila’t kanang kasong inihahain sa mga Binay, iisa lang ang dapat nilang gawin, harapin ang publiko at mga kaukulang awtoridad para ipagtanggol o linisin ang kanilang pangalan.
Sabi nga, “silence means yes.”
Ang patuloy na pananahimik ng mga Binay sa mga bintang laban sa kanila, hindi man 100 porsiyentong tumpak ay tiyak na may tama.
Pero hindi rin dapat kalimutan ng administrasyon, sakali mang maibagsak nila si VP Binay bago ang 2016 elections, ay hindi mapupunta sa kanila ang pakinabang.
Welcome 2016 presidential election!