“Pauga ka naman!”… “Chip-in-chip-in tayo sa pag-gimmick”… “Kahit ‘di ka mag-invite, susugurin ka namin sa araw ng birthday celebration mo.”
Nagpasiya siyang idaos ang selebras-yon ng kanyang kaarawan sa isang comedy bar. Pagbibigay na rin iyon sa mga kaibi-gan at kakila sa sirkulo ng mga writer. At sa likod ng kanyang utak, sa isang banda ay para makapiling niya ang espesyal na tao sa espesyal na okasyon.
“Imbitahan ko rin kaya si… si Sir Ross?” naisatinig niya sa isang kapwa baguhang writer.
“Kahit ‘di mo naman imbitahan si Sir, ‘pag nagbebertdey ang sinuman sa mga anak-anakan n’ya sa pagsusulat, e bigla na lang sumusulpot ‘yun,” ang sabi nito sa kanya.
“T-talaga?” aniya sa tuwa.
“Pero invite mo na rin para sigurado…”
Maagang nagpa-parlor si Lily sa araw ng kanyang kaarawan. Nagpaayos siya ng sarili kay Bambie. Ipina-rebond niya ang buhok. Nagpa-make-up siya. At ito rin ang namili ng damit na isusuot niya.
“Wow na wow ka, ‘Day… Pati patay mabubuhay sa byuti mo!” ang papuri sa kanya ng baklang beautician.
Kabubukas lang ng comedy bar. Masakit pa sa ilong ang singaw ng sementadong sahig nito at ang nakulob na usok ng sigarilyo. Naroon pa ang sangsang ng amoy ng beer na natapon sa tapete ng mga mesa roon. Nag-iisprey ng air freshner ang janitor ng establisimyentong iyon nang pumasok doon si Lily na kaagapay ni Bambie.
Pumuwesto sina Lily at Bambie sa mahabang hilera ng mga mesa. Umorder agad siya sa waiter ng inumin at mapupulutan. Pamaya-maya nga lang ay partner-partner at grupo-grupo nang nagdatingan doon ang piling-pili niyang mga bisita.
At nakipagsabayan siya sa paglaklak ng beer sa kanyang mga kakilala at kaibigan. Nagpalipat-lipat siya ng upo sa mga mesa. Konting chika rito, konting chika roon. Toss dito, toss doon. Nakarami siya ng light beer.
Dumating doon si Ross Rendez sa kalagitnaan ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan. (Itutuloy)
Ni REY ATALIA