55 bagong sasakyan inilaan ni Roxas sa PNP
hataw tabloid
March 13, 2015
News
PINANGUNAHAN ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang turnover ng 55 bagong Toyota High-ace Vans sa Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng kanilang capability enhancement program.
Ayon kay Roxas, ibabahagi sa mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang karamihan sa mga van dahil pangunahin nilang kailangan ang sasakyan tuwing may mga operasyon.
“Ang bawat rehiyon, magkakaroon nito,” paglilinaw ni Roxas.
Ayon sa PNP, magiging malaki ang tulong ng sasakyan sa mga pulis lalo na sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, sa kanilang pagpunta sa iba’t ibang lugar, at sa agarang pagresponde sa mga insidenteng nangyayari sa buong bansa.
Bukod sa SOCO, makatatanggap din ng mga sasakyan ang mga direktor sa National Headquarters, pati ang mga national support units gaya ng Anti-Kidnapping Group (AKG), Anti-Cybercrime Group (ACG), Aviation Security Group (ASG), Crime Laboratory Group (CLG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nasa post-qualification stage na rin ang 1,470 bagong patrol jeepneys na nakatakdang idagdag ni Roxas sa mga sasakyang matatanggap ng buong PNP mula sa pamahalaan.
Nagkakahalaga ng P1.411 bilyon ang kabuuang inilaan ng gobyerno sa pagbili ng mga bagong sasakyan ng PNP na ipamamahagi sa lahat ng munisipalidad sa buong bansa.
“Ang bawat bayan ng ating bansa ay magkakaroon ng minimum (na) isang patrol jeep in the next 12 months,” ani Roxas.
Nilinaw rin ni Roxas na mahalaga ang mga patrol jeep dahil maaari itong gamitin sa pagpuksa sa kriminalidad, sa pagsasagawa ng medical evacuations at sa disaster response.
Na-road test na rin ng PNP ang mga nasabing sasakyan upang masiguro na nasunod ang car specifications na kanilang ibinigay.