NAKAPASOK NA MESSENGER SI YOYONG PERO GUSTO RIN MAG-ABROAD
Mainit doon. Mausok sa buga ng mga nagdaraang sasakyan. Pero kinakitaan niya ng sipag at tiyaga ang dalaga.
“Kaya lang ay baka lalong lumala ang kanyang pneumonia…” ang pag-aalala niya kay Cheena.
Pinalad siyang maempleyong muli. Naging taga-deliver ng mga package o sulat ng isang kompanyang nagseserbisyo ng door-to-door sa mga indibidwal o opisinang pinadadalhan niyon. Gamit ang hulug-hulugang motorsiklo, ang nirurutahan niya sa maghapon ay buong Maynila. Pero hindi siya nawalan ng oras para kay Cheena. Lagi niyang dinadalhan sa pwestong pinagtitinda-tindahan ng pizza pie, siopao, hamburger o spaghetti.
“Baka mawili ako, ha, Yoyong?” ngiti sa kanya ng dalaga.
“Para tumaba ka…” ang gusto sana ni-yang sabihin. Pero iba ang sinabi niya: “Okey lang… Wala ka naman kasing time para sumama sa aking magmeryenda ‘kahit d’yan lang sa malapit, e.”
“Hayaan mo, ‘Yong… Ako naman ang magbo-blow-out sa ‘yo isang araw,” si Cheena, sa masiglang tinig.
“Talaga, ha? Kelan?” tawa niya.
“’Bago ako mag-abroad… Pag sinuwerte na ako sa inaaplayan kong agency…” pakikitawa sa kanya ni Cheena.
Natahimik siya. Nakapa niya sa kalooban ng dalaga na talagang hangad pa rin nitong makapangibang-bansa.
Nakakapag-aabot-abot ng tulong-pi-nansiyal noon si Yoyong sa kanyang Kuya Dandoy at sa hipag na si Letty. Pero sa likod ng kanyang utak, batid niyang sa panga-ngamuhan ay mahirap ang pag-unlad. Tapos lang siya ng high school. “Paano akong aasenso? Pwede ba akong makapag-abroad?” bulong niya sa sarili.
May nakapagsabi sa kanya na “in-demand” sa Saudi ang skilled workers. At maganda raw ang nagiging sweldo, gaya ng mga welder, at mekaniko. (Itutuloy)
ni Rey Atalia