Kinalap ni Tracy Cabrera
ISANG bagong species ng palaka ang hindi nangingitlog at sa halip ay nagsisilang ng buhay na mga tadpole ang nadiskubre sa kagubatan ng Sulawesi sa Indonesia.
Ang kakadiskubreng species ay miyembro ng Asian group ng mga fanged frog, o palakang nmay pangil, na namumuhay sa rainforest ng Sulawesi Island. Pinangalanan itong Limnonectes larvaepartus ng nakadiskubreng Indonesian researcher at study coauthor Djoko Iskandar.
“Halos lahat ng palaka sa mundo—mahigit 6,000 species—ang nagre-reporduce sa pamamagitan ng external fertilization, na ang lalaki ay mahigpit na niyayakap ang babae sa amplexus at saka nagpapalabas ng sperm habang nilalabas ang mga itlog ng babae,” punto ni Jim McGuire, associate professor ng integrative biology sa University of California, Berkeley, at coauthor ng pag-aaral na inilathala sa journal na PLOS ONE.
Ayon sa siyensya, ang mga fanged frog—dahil sa dalawang ‘pangil’ sa ibabang bahagi ng panga nito na ginagamit sa pakikipaglaban—ay maaaring nag-evolve sa maraming species sa Sulawesi. Gayon pa man, lumilitaw na ang bagong species ay mas nais magsilang ng mga tadpole sa maliliit na pool ng tubig, posibleng para maiwasan ang mas malalaking fanged frog na maaaring kumain sa kanilang mga anak.
Mayroon din ebidensya na ang kalalakihang species ay nagsisilbing bantay ng mga isinilang na tadpole.
Unang naenkuwentro ni McGuire ang bagong species ng palaka noong 1998, ang taong nagsimula siyang pag-aralan ang kamangha-manghang diversity ng mga reptile and amphibian sa isla ng Sulawesi, na matatagpuan sa silangan ng Borneo at katimugan ng Filipinas.