“At bakit kaya niya inililihim sa atin ang kanyang address?”
“Pa-mystic epek?”
Marami sa mga kabataang writer ang nahihiwagaan sa tunay na pagkatao ni Ross Rendez. Naintriga rin si Lily. Nakisakay tuloy siya sa mga kausap na sundan ang binatang writer sa pag-uwi nito sa sariling tirahan.
“Dito lang daw sa malapit nauwi si Sir Ross, e,” sabi ng isang coed.
“Basta’t talasan natin ang mga mata sa pagbuntot sa kanya,” mungkahi ng isang estudyanteng lalaki.
Naglakad lang si Ross Rendez mula sa venue na pinagdausan ng book launching. Nagtuloy ito sa isang makipot na eskinita na karamihan sa mga bahayan ay boarding house at tindahan ng mga pagkain para sa mga estudyante. Nalilikuran lamang iyon ng isang unibersidad.
‘Bulagain na lang natin si Sir…” ngis-ngis ng isa pang coed.
Pero hindi si Ross Rendez ang nagulat kundi ang mga kabataang nangangarap na maging manunulat din. Bukod sa lumang-luma na ang bahay-paupahan na pinasok nito ay pagkaliit-liit pa ang mga kwarto-kwarto niyon. At doon pala siya naninira-han. Natigilan si Lily sa pagkamaang. Hindi niya akalain na sa gayong hamak na lugar ito namumuhay.
Isa sa mga kasama nina Lily ang nangatok sa pintuan ng paupahang silid na ino-okupahan ni Ross Rendez. Bahagyang nasorpresa ang manunulat sa pagbubukas nito ng pinto.
“Hi, Sir…” bungad ng coed sa pagbati na parang kandidata sa isang beauty contest.
“Gusto lang namin, Sir, na madalaw ka nang personal…” segunda ng isa pang estudyante.
“Tuloy kayo…” ang kaswal na paanyaya ni Ross Rendez sa mga kabataan.
Naging malikot ang mga mata ni Lily sa pagyapak ng kanyang mga paa sa tira-han ng binatang kinikilala sa mundo ng panitikan. Masikip sa loob niyon. Wala sa kaayusan ang mga bagay-bagay na nakita niya roon. Nakakalat kung saan-saan ang mga kagamitang pambahay.
(Itutuloy)
ni REY ATALIA