ni Tracy Cabrera
NAHAHARAP ang De La Salle University sa mahigpit na laban sa UAAP Season 77 women’s volleyball finals dahil makahaharap nila ang defending champions Ateneo Lady Eagles nang wala ang kanilang team captain at leading scorer na si Ara Galang.
Nadale si Galang ng season-ending knee injury sa ika-apat na set ng kanilang do-or-die game kontra National University (NU) nitong nakaraang linggo—isang sagupaan na dinomina ni Ara.
Ayon kay NU head coach Roger Gorayeb, na saksi sa lagablab ng laro ni Galang sa pagtambak ng 25 puntos sa Lady Bulldogs, mas mabigat ngayon ang hamon sa Lady Spikers ngayong hindi na makapaglalaro sa finals ang dating Rookie of the Year at Most Valuable Player ng liga.
“Kung wala si Ara Galang, mahihirapan ang La Salle,” komento ni Gorayeb matapos ang four-set loss ng NU na nagwakas ng kanilang kampanya.
“It will take a lot of strength para La Salle to overcome iyong Ateneo, because iyong confidence level ng Ateneo is very, very high right now, super high,” dagdag ng coach ng Lady Bulldogs.
Umabante ang Ateneo sa Finals makaraang walisin ang elimination round, at may thrice-to-beat advantage sila sa serye.
Sa pagkawala ni Galang, nawalan din ang La Salle ng manlalarong nakapagbigay ng 17 puntos kada laban para sa 32.87 porsyentong success rate sa kanyang mga spike. Bukod dito, nakagawa rin si Galang ng 0.48 blocks, 0.52 aces, at 1.96 digs bawat set. Siya rin ang isa sa pangunahing receiver ng liga sa kanyang 21.15 efficiency rate.
Si Galang din ang emotional leader sa court ng La Salle, at kanilang ‘go-to player’ kapag mahigpitan na ang laban.
“Ang hirap noon,” ani Gorayeb matapos matalo dahil kay Galang. “Even as a coach, ayaw mo na isang player mo— ke ‘yan pa i-yong ace player mo, ke pinakamahina mong player—ayaw mong may masasaktan.” “I feel sorry for her and for La Salle. Sana maka-recover si Ara. Sana huwag namang masyadong malala. Kawawa naman iyong bata e, kawawa naman,” dagdag niya.