NARANASAN mo na bang madesmaya o maging emosyonal dahil sa sinabi sa iyo ng isang tao, kung paano ka hinarap o paano ka tinugon?
Ito ba ay hindi nawala sa iyong isipan at paulit-ulit mong binabalikan? Tiyak na magdudulot sa iyo ng stress ang muling pagbabalik sa isyu at pag-iisip kung paano ka makagaganti sa nasabing tao, o makatabla man lamang sa kanya. Kung ito ay magpapatuloy, wala kang magagawa kundi ang manatili rito at ikaw ay maaapektuhan. Ito ang pupuno sa iyong isipan kaya dapat mo itong ibahagi sa iba na maaari kang pakinggan. Ano ang gagawin mo kapag nangyari ito?
Lunasan ito. Kung magpapatuloy kang pwersahin ang isipan sa pananatili sa isyu na nagdudulot sa iyo ng emotional stress, suriin ang estado ng iyong katawan. Kung mananatili ka nang matagal sa isyung ito, maaari kang magkasakit, sa pisikal at pag-iisip na lalo pang ikatitindi ng problema.
Paano ito lulunasan? Una, unawain na ikaw ay naiipit sa isyung ito at pansinin kung paano tumugon dito ang iyong katawan. Itanong sa sarili, ito ba ang estado ng pag-iisip na susuporta sa aking adhikain at pangarap? At muling itanong sa sarili, ano ba ang magagawa ko ngayon na maaaring makasuprota sa aking mga adhikain at pangarap? Anong estado ng pag-iisip ang maaaring maging produktibo para sa akin at sa mga tao sa aking paligid?
Subukan ito. Mag-isip ng salita na iyong ikasisiya, magpapasigla sa iyo, magdudulot ng kapayapaan, maghihikayat ng pagmamahal at makatutulong sa iyong tanawin ang magandang mundo. Halimbawa, ay “family.” Sa susunod na ikaw ay muling makaranas ng emotional trauma at physical stress, paulit-ulit na isipin ang nasabing kataga. At pagkaraan ay tiyak na mapapansin mong ikaw ay muling sisigla at magagawa nang muling harapin ang buhay. Ano kayang salita o kataga ang iyong maiisip?
ni Lady Choi