Gabi-gabi ay dala na ni Lily sa pag-uwi ang limang daang pisong badyet sa kanyang pagrampa at pagbibilad ng katawan. Kaya lang, sa dami ng kanilang mga utang at pangangailangan sa bahay ay halos nagdaraan lang iyon sa palad niya. Sulsol nga sa kanya ng isang kasamahang dancer-mo-del: “Magpateybol ka sa mga kostumer para hindi baryang-barya ang maiuwi mo.” Kapag nalalambutsing daw ang mga kalalakihan na nagbubumabad sa club ay mas nagiging galante. Baka wala pa raw sa kalahati ng magiging tip niya sa pagteybol ang limang daang pisong ibinabayad sa kanyang pagrampa gabi-gabi. “Ano ba naman ‘yung halik-halikan ka… O hipu-hipuan… Wala ‘yun. Makukuha ‘yun sa paligo, ‘Te.”
Dala na rin ng kagipitan ay madaling nakumbinsi si Lily na makipagteybol sa mga kalalakihan. At dahil sa angkin niyang ganda, kinis at kaseksihan ay marami sa mga regular na parokyano ng club ang ihing-ihing maka-partner siya sa VIP room. Noon nagsimulang magkalaman ng lilibohin ang wallet niya. Nagkaroon siya ng kakayahang bumili ng mamahaling gamit at damit. Unti-unti na rin nakatikim ng bahagyang kaginhawahan ang Mommy at Daddy niya, na bagama’t nagsasawalang-kibo ay batid niyang unang-unang nasasaktan sa kinasadlakan ng kanyang kapalaran. Siya man bilang tao, lalo’t bilang isang babae, sa pag-uwi niyang mag-isa sa gabi ay nakadarama siya ng panliliit ng sarili. Su-gatan ang buo niyang pagkatao at tuluyan nang nahubaran ng dangal. Sa simula ay itinangis niya iyon. Pero sa kalaunan ay tumigas at naging manhid ang kanyang puso. Kinasuklaman niya ang mga makamundong kalalakihan at ang mga manga-ngalakal na ikinokomersiyo ang mga kababaihan.
Takam na takam sa katawan ni Lily ang marami sa mga nagiging kostumer ng club. Kaya siguro paborito siyang iteybol ng mga masasalaping kalalakihan. Maganda nga kasi siya at mahubog ang katawan. At bago lang siya roon. Pero sa isip ay nilalait at minumura niya ang mga tulo-laway na kostumer sa sandali ng kanyang mga pag-indak-indak sa entablado.
“Sige, maglaway kayo… manigas kayo r’yan!” (Itutuloy)
ni Rey Atalia