Minsan naging simpleng utusan si Donnie Nietes ng ALA boxing gym at ni-hindi sumagi sa isip niya ang pagboboksing bago pa man siya hikayatin ng mga nakakahalubilo na mga boksingero.
Bago pa man mapalawig ang kanyang pagka-kampeon ng walong sunud-sunod na taon, mas sikat pa rin umano ang mga kapwa niya boksingero na nasa ilalim ng ALA Promotions pati na mismo ang kanyang alagang ahas.
Ngunit lahat ng iyon ay nagbago na. Tila naging mukha na ng ALA Promotions ang lalaking binansagang “Ahas” dahil sa kanyang pag-aalaga sa limang python ng may-ari ng ALA na si Tony Aldeguer.
Ilang tao na rin ang sumubok tanggalin ang titulo ng WBO Lightflyweight championship mula sa pagkakalingkis ng “Ahas” ngunit wala ni isa man sa kanila ang nagtagumpay.
Si Gilberto Parra ng Mexico ay nangangahas na pasukin ang teritoryo ni Nietes at gapiin ang ahas na ilang karera na ang winasak. Makakaharap niya ang hari ng mga ahas sa Marso 28 sa tanyag na Araneta Coliseum sa “Pinoy Pride 30: D-Day” kung saan sasabak din si Nonito Donaire, Jr.
Ang “Pinoy Pride 30: D-Day” ay handog ng pinagsamang lakas ng ABS-CBN Sports at ALA Promotions.