ni Tracy Cabrera
NAGPAPATROLYA ang mga armadong guwardiya sa gym kung saan nagsasanay si Manny Pacquiao.
Ngunit may mga tangkang sirain ang training ng Pambansang Kamao. Patuloy ang ‘trash talking’ para lang mapainit ang situwasyon dalawang buwan bago maganap ang binansagang ‘mega-fight of the century.’
Maaaring nasa Macau si Freddie Roach para sa title fight ni Zou Shiming ng China, pero maingay ang pagbabalik niya sa Los Angeles para sanayin si Pacman sa kanyang laban kay Floyd Mayweather Jr. Gayon pa rin ang pinag-uusapan, inihahayag na kasing init ng laban ang build-up tungo sa kinasasabikang sagupaan.
“Walang respeto si Floyd,” pahayag ni Roach sa telepono mula sa Tsina. “Si Manny ang perfect role model para sa laban at hindi si Mayweather. Sinabi ko kay Manny kailangan naming talunin siya para sa buong mundo. Walang dahilan para matalo kami sa laban.”
Paumanhin si Roach sa maagang patutsada, pero nag-iinit siya. Kailangan niyang gawin ito, dahil bukod sa pagiging trainer siya rin ang chief provocateur para kay Pacquiao, na madalas ay umiiwas sa pagbibigay ng maiinit na komento ukol sa kanyang mga kalaban sa ring.
DALAWANG BUWAN PA.
Ipagpaliban na natin kay Roach, na kilala sa pagiging pinakamahusay na trainer sa larangan ng boxing, ang mga patutsada para umiinit ang situwasyon hanggang sa mismong sagupaan.
Wala rin siyang pakialam kay Mayweather, at naniniwalang humihina ang 38-anyos na kampeon. Sa kanyang isip, malaki ang tsansa na mabitag si Mayweather para magkamali sa laban.
“Hindi na kasing bilis ang kanyang mga paa gaya ng dati,” sabi ni Roach sa Associated Press. “Matalinong fighter siya pero napakalaki ng laban kaya malamang na tumaya siya nang sobra at makipagsabayan sa amin. Kapag nangyari iyon, iyan ang gustong-gusto ni Manny.”
Kung pagbabata-yan naman sa laban ang cornermen, naniniwala rin si Roach na magkakaproblema si Mayweather kapag nakinig sa kanyang amang si Floyd Sr.
“Medyo disappointing makaharap si Flord Sr.,” aniya. “Hindi naman siya talagang mahusay, lalo na pagdating sa laban. Ang bentahe namin siya ang nasa kabilang corner.”