NAMIMILI yata ng tatalunin itong KIA Carnival, e.
Kailangang champion team ka para ka talunin ng KIA Carnival.
Kapag hindi ka champion, may pag-asa ka!
Hehehe!
Parang ganyan kasi ang nangyayari. Biruin mong ang apat na teams na tinalo ng KIA Carnival ay pawang mga kampeon.
At hindi basta-basta kampeon ha!
Tinalo nila ang San Miguel Beer, Purefoods Star at Alaska Milk na pawang mga Grand Slam champions.
Dinaig din nila ang Talk N Text na minsan ay nagkampeon sa Philippine Cup nang tatlong sunud-sunod na taon.
Biruin mong matapos ang back-to-back na panalo sa Hotshots at Tropang Texters ay natalo ang KIA Carnival sa kapwa expansion ballclub na Blackwater Elite!
E marami ang nag-akalang sisisiwin nila ang Elite at madali silang makakaulit sa mga ito. Pero kabaligtaran ang nangyari.
Pero matapos na matalo sa Elite, aba’y binawian naman nila ang Alaska Milk nang ganoon na lang!
Teka, may isa pang champion team na hindi pa nakakaengkwentro ng KIA Carnival at ito ay ang Rain Or Shine na makakatapat nila sa a-kinse ng Marso.
Malamang na buhos na naman KIA Carnival dahil panibagong hamon na naman iyon!
Tignan natin kung maibibilang nila ang Elasto Painters sa listahan ng kanilang mga biktima.
ni Sabrina Pascua