NATAMBAY MUNA BAGO NAKASUMPONG NG TRABAHO SI YOYONG
“Pagsasamantala ‘yun, Kuya… Ayoko nang gayon!” ang matigas niyang pani-nindigan.
Matagal na napabilang si Yoyong sa mga kabataang istambay. Ilan sa kanila ang naka-barkada niya. At may nakatropa rin siyang mga batang kalye na maya’t mayang nabibitbit sa barangay o sa presinto ng pu-lisya sa pagkasangkot sa iba’t ibang kalokohan: pang-uumit sa paninda ng nalilingat na sidewalk vendor; paghahagis ng supot ng ebak sa bakuran ng nagdiriwang ng kaarawan o ng iba pang kasayahan; pamboboso sa kababaihan sa silong ng mga bahay-bahay; at ng kung ano-ano pang kagaguhan bunga ng kawalang magawa sa buhay. Muntik-muntikan na tuloy siyang mahawa sa kabulukan ng kanyang kapaligiran.
Naghanap si Yoyong ng mapapasukang trabaho. Kung saan-saan siya nag-aplay. Iyon ang dahilan kung kaya halos araw-araw ay umaalis siya ng bahay. Pinalad naman siyang matanggap na delivery boy sa pabrika ng isang kompanyang gumagawa ng softdrinks. Nasa Valenzuela ang planta nito. Bukod sa pampasaherong dyip sa Monumento, sumasakay din siya ng LRT sa pagpasok doon sa umaga at sa pag-uwi sa hapon. Bitbit ang bag ng baon sa pananghalian, tuwing umaga ay nagkukumahog na siya sa pagsakay sa tren sa Blumentritt.
Sa estasyon ng tren sa Blumentritt niya nakabanggaang balikat ang isang babae. Nalaglag tuloy ang hawak nitong cellphone sa tapat ng booth na bilihan ng magnetic card. Maagap niyang dinampot ang teleponong nakalas ang baterya sa loob ng kaha. Iniabot niya iyon sa may-ari. Nakabihis saleslady ng isang mall sa EDSA. Nagkatitigan sila ng mata-sa-mata. Ilang segundo iyon na nagpabilis sa tibok ng kanyang dibdib. Pero dagling nagbaba ng paningin ang da-laga sa pagtungo.
“S-sorry, Miss,” aniya sa paghingi niya ng paumanhin.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia