Ang kinikita naman ng Mommy Sally niya sa pamamasukang labandera-plantsadora sa isang pamilyang may kaya-kaya sa buhay ay halos kulang pang pambili ng gamot nito sa sakit na diabetes. Bukod sa pagkakasa-kit, dahil na rin siguro sa mabibigat na isipin kung kaya parehong nangayayat ang kanyang mga magulang. Kabi-kabila kasi ang utang nila sa ilang tindahan sa kanilang paligid. Halos sumala silang mag-anak sa pagkain. At lagi silang napuputulan ng serbisyo ng koryente. Sa gayong sitwasyon ay danas na danas niya mismo ang epekto ng kanilang kahirapan. Hindi niya magamit ang computer sa pagsusulat. Ni wala si-yang maipambili ng sanitary napkin. At hayun, natulog siyang kapeng 3-in-1 lamang ang laman ng tiyan.
Wala siyang karapatan na magreklamo sa kanyang Mommy at Daddy. Wala kasi siyang naibabahaging pera sa kanilang bahay para sa mga gastusin sa araw-araw. At hindi rin naman nagrereklamo ang kanyang mga magulang kahit pwedeng-pwede na sana siyang maghanapbuhay at maging kabalikat sa ilang responsibilidad. Gayunpaman, sa isang sulok ng kanyang utak ay tila kinukulit-kulit siya ng sarili. “Kawawa naman sina Mommy at Daddy… Magtrabaho ka na, Lily!” ang paulit-ulit na idinidikta ng isip niya.
Pinasyalan ni Lily sa parlor ang kaibi-gan niyang si Bambie. Sa kanilang pagku-kuwentohan ay nasakyan agad nito ang kanyang pakay. Payag na siyang maging dancer-model ng club ng kostumer nitong manager niyon. Naikatuwiran niya sa baklitang beautician sa kanyang pagbabagong-isip: “Basta’t hanggang sa pagiging dancer-model lang ako. At hindi ako magpapa-take-out sa mga kostumer na instant joy ang hanap, ha?”
“Hay, naku, bes! Nasa sa ‘yo na ‘yun… Kung talagang ayaw mo ay walang makapipilit sa ‘yo,” ang mataray na sagot sa kanya ni Bambie.
Minek-apan siya ng kaibigang beautician. Pinahiram ng magagara at mamaha-ling mga kasuotan. Lalong lumutang ang kanyang kagandahan at kaseksihan.
“Puwedeng-puwede ang friend mo, ‘Day,” sabi kay Bambie ng manager ng club na kabilang din sa pederasyon ng mga “berde ang dugo.”
(Itutuloy)
ni Rey Atalia