BBL magpapasiklab ng gulo sa Mindanao (Babala ni Miriam)
hataw tabloid
March 6, 2015
News
MAGBABAKBAKAN ang mga armadong grupo sa Mindanao sakaling pagtibayin ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito ang babala ni Senador Miriam Defensor-Santiago na naniniwalang idedeklarang unconstitutional ng Supreme Court (SC) ang panukala kahit makalusot sa Kongreso.
Marami aniyang unconstitutional sa mga probisyon ng panukala, na siya rin posisyon ng mga constitutionalist na dumalo sa pagdinig ng Senado, partikular ng Committee on Constitutional Amendements.
Kinukuwestyon din ng senador kung sino ang nagbigay ng kapangyarihan kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at sa mga kinatawan ng gobyerno na makipag-negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), at kung sino ang nag-awtorisa sa MILF na maging kinatawan ng buong Bangsamoro.
Giit ni Santiago, “Nananaginip sila. They negotiate under constitutional provision natin e sila nga, hindi nga sila sigurado kung talagang tunay sila na kinatawan ng mga Muslim sa Bangsamoro. Away-away nga sila d’yan e.”
“Kaya I pity the moment the law is passed. I’m against it. Mag-aaway ‘yang lahat ng military groups na ‘yan in the Muslim community.”
Payo ng senador, bumuo ng isang review committee na muling susuri sa mga probisyon ng BBL para hindi na aniya mapahiya ang Palasyo.
Handa rin ang mambabatas na magsumite ng ulat hinggil sa BBL.
Cynthia Martin/Niño Aclan
Bagong terror group dudurugin ng AFP — Palasyo
KOMPIYANSA ang Malacañang na kayang sugpuin ng militar ang mga teroristang grupo gaya ng Abu Sayyaf group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at ang bagong tatag na Justice For Islamic Movement (JIM).
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, ginagampanan ng AFP ang kanilang tungkulin para protektahan ang mga mamamayan laban sa mga armadong grupong naghahasik ng karahasan sa bansa.
Ang grupong JIM na pinamumunuan ng isang Komander Mohammad Ali Tambako ay dating miyembro mg MNLF, lumipat ng MILF, naging BIFF at saka kumalas para itatag ang bagong grupo.
Sa ulat ng AFP, ang grupong JIM ang nagkakanlong ngayon kay Basit Usman kasama ang lima pang dayuhang teroristang konektado sa Jemaah Islamiyah (JI).