MABUTI na lamang at halos isang linggo ang naging pahinga ng Meralco Bolt bago nasundan ang kanilang laro kontra San Miguel Beer.
Napatid ang five-game winning streak ng Bolt noong Sabado nang sila ay tambakan ng Beermen, 102-86 sa kanilang out-of-town game na ginanap sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.
Hindi naman ikinukuwento ng Final Score ang buong pangyayari, e kung iyon lang ang pagbabatayan ng resulta.
Kailangang malaman ng lahat na naglaro ang Meralco nang wala ang import na si Josh Davis sa kabuuan ng second half.
Bumagak siya may 7:16 ang nalalabi sa second quarter matapos na mabigong supalpalin si June Mar Fajardo. Binuhat siya ng medic at hindi na nakabalik pa mula roon.
Kaya naman madaling nairehistro ng Beermen ang kanilang kauna-unahang panalo sa limang laro.
Kung nandoon si Davis, malamang na duman pa sa butas ng karayom ang Beermen bago manalo. Kung mananalo!
Ang nakakaalarma. matapod ang insidenteng iyon ay ang pangyayaring hindi tiyak kung kailan muling makapaglalaro si Davis.
Mabuti na lang at sa Biyernes pa ang kanilang sunod na laro kontra NLEX.
E, yung San Miguel nga, pagbalik sa Maynila ay may laban kaagad kontra NLEX kahapon.
E paano kung ganoon din ang schedule ng Meralco dahil pareho lang naman sila ng San Miguel na galing sa Cagayan de Oro. E di baka walang import na naglaro ang Bolts at malamang na nalasap nila angi kalawang sunod na kabiguan.
Sana naman ay okay na si Davis sa Biyernes at makabawi ang Meralco sa pagkatalo sa San Miguel.
Nakakahinayang naman ang magandang simula ng Bolt kung mapupunta sa wala!
ni Sabrina Pascua