Malinaw na wala itong katiting na paggalang sa pagkatao niya. At lalong hindi siya minahal nito nang totohanan. Mapaglaro na sa pag-ibig ay may kalokohan pa sa ulo ang lalaking una niyang itinangi at pinag-ukulan ng pagmamahal.
Kinabukasan ay nanatili lamang siya sa silid-tulugan. Ni hindi niya nagawang ma-kisalo sa pag-aalmusal ng kanyang Mommy at Daddy. Tinamad din siyang maligo. Masakit ang ulo niya sa puyat. Blangkong-blangko ang kanyang utak. Tila mabigat na mabigat ang buo niyang katawan. Pugtong-pugto ang mga mata niya sa magdamag na pag-iyak. At mandi’y namamanhid ang puso niyang sugatan.
Hindi siya pumasok sa trabaho nang araw na iyon. Nanatili siyang nakahiga. Bagama’t laging nakapikit ang mga mata ay hindi rin naman siya makatulog. Lumi-lipad-lipad ang kanyang diwa na kung saan-saan naglalakbay. Naroong magbalik-gunita siya sa mga araw na pinagsamahan nila ni Jerick na lipos ng tuwa at saya. Iyon ang matatamis na sandali sa kanyang buhay noon. Ngayon ay pagkapait-pait nang mga alaala. Dahil isang huwad na pag-ibig ang natagpuan niya kay Jerick.
Hindi ulit siya nag-opisina nang sumunod na mga araw. Hinayaan niyang masaid ang mga luha sa mga mata. Sa gabi, para makatulog ay kinakailangan muna niyang malasing. Pinakialaman niya ang imported na alak ng kanyang Daddy Louie na nakadispley sa eskaparate. Muli siyang tumungga ng ilang tagay niyon sa kopita. Pagkaraan niyon ay inilatag niya ang katawan sa kama upang ipahinga ang pagod na pagod na isipan.
Pinanatili niyang naka-off ang kanyang cellphone. Hindi niya ibig magambala ng mga text o tawag mula sa kanyang mga boss sa publikasyon. At lalong ayaw niyang makatanggap ng text o tawag na manggagaling kay Jerick.
Nang umagang iyon, makaraan ang mahigit isang linggong pagdadalamhati ay maagang naligo si Lily. Nakisabay siya sa pag-aalmusal ng kanyang mga magulang.
“Mag-o-office ka na ba ngayon?” naitanong ng kanyang Mommy Sally.
Umiling siya.
“May dinaramdam ka ba, anak?” ungkat pa ng nanay niya.
Iling ang muli niyang itinugon. (Itutuloy)
ni REY ATALIA